Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Siya ang Ating Handog Pangkasalanan, Pebrero 24
Gayunma'y kinalugdan ng PANGINOON na mabugbog siya; kanyang inilagay siya sa pagdaramdam; kapag gagawin niya ang kanyang kaluluwa bilang handog pangkasalanan, makikita niya ang kanyang supling, pahahabain niya ang kanyang mga araw; at ang kalooban ng PANGINOON ay uunlad sa kanyang kamay. Isaias 53:10. KDB 62.1
Ito ang misteryo ng Diyos sa laman, Diyos kay Cristo, at pagka-Diyos sa sangkatauhan. Si Cristo ay yumuko sa walang kapantay na kababaang-loob, na sa Kanyang kadakilaan sa trono ng Diyos, maaari Niya ring itaas ang mga naniniwala sa Kanya, sa isang luklukang kasama Siya sa Kanyang trono. Lahat ng tumitingin kay Jesus na may pananampalatayang ang mga sugat at pasa na gawa ng kasalanan ay maghihilom sa Kanya ay gagaling. KDB 62.2
Ang mga tema ng pagtubos ay napakahalagang mga paksa, at tanging ang mga may espirituwal na pag-iisip lamang ang makauunawa sa kanilang lalim at kahalagahan. . . . Ang pananampalataya at pananalangin ay kinakailangan upang magawa nating tumingin sa malalalim na mga bagay ng Diyos. Ang ating mga isipan ay masyadong nakagapos sa makitid na mga ideya, na ang nakukuha natin ay limitadong mga pananaw ng karanasan na pribilehiyong maging atin. Gaano ngang kaliit ang ating nauunawaan sa kung ano ang ibig sabihin ng panalangin ng apostol, nang sinabi niya, “Upang sa inyo'y ipagkaloob niya ayon sa kayamanan ng kanyang kaluwalhatian, na kayo'y palakasin ng kapangyarihan sa pamamagitan ng kanyang Espiritu sa pagkataong-loob; upang si Cristo ay manirahan sa inyong mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya, kung paanong kayo'y nag-uugat at tumitibay sa pag-ibig. Aking idinadalangin na magkaroon kayo ng kapangyarihang matarok, kasama ng lahat ng mga banal, ang luwang, haba, taas, at lalim, at upang makilala ang pag-ibig ni Cristo na higit sa kaalaman. . . . ” Nakita ni Jesus ang sangkatauhan, mangmang, tumalikod mula sa Diyos, na nakatayo sa ilalim ng kaparusahan ng nalabag na kautusan; at Siya'y dumating upang magdala ng kaligtasan, upang mag-alok ng isang lubos na kapatawaran, na nilagdaan ng Kamahalan ng langit. Kung tatanggapin ng tao ang kapatawarang ito, siya'y maliligtas; kung tatanggihan niya ito, siya'y mawawala.— Fundamentals of Christian Education, pp. 180, 181. KDB 62.3