Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Ginawa Niyang May Kasalanan Siya Para sa Atin, Pebrero 19
Para sa ating kapakanan, ginawa niyang may kasalanan siya na hindi nakakilala ng kasalanan, upang sa kanya tayo'y maging katuwiran ng Diyos. 2 Corinto 5:21. KDB 57.1
Pinahintulutan ng Diyos ang Kanyang sinisintang Anak, puspos ng biyaya at katotohanan, buhat sa isang sanlibutang hindi mailarawan ang kaluwalhatian, ay pumarito sa isang sanlibutang dinungisan ng kasalanan, at pinadilim ng kamatayan at ng sumpa. Pinahintulutan Niyang iwan ang kandungan ng Kanyang pag-ibig, ang pagsamba ng mga anghel, upang dumanas ng kahihiyan, insulto, panlalait, poot, at kamatayan. . . . Masdan ninyo Siya sa ilang, sa Getsemani, sa krus! Pinasan ng walang kapintasang Anak ng Diyos ang bigat ng kasalanan. Siyang nakasama ng Ama ay nakaramdam sa Kanyang kaluluwa ng kakilakilabot na pagkakahiwalay ng Diyos at ng tao dahil sa gawa ng kasalanan. Ito ang naging dahilan kung kaya namutawi sa Kanyang mga labi ang kalungkot-lungkot na panambitan: “Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan?” Ang bigat ng kasalanan, ang pagkadama sa nakapangingilabot na kalakihan nito, ang pagkahiwalay ng kaluluwa sa Diyos— ito ang dumurog sa puso ng Anak ng Diyos. KDB 57.2
Datapuwa't hindi ginawa ang dakilang sakripisyong ito upang lumikha sa puso ng Ama ng pag-ibig sa tao, hindi upang naisin Niyang magligtas. Hindi, hindi! “Gayon na lamang ang pagsinta ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak.” KDB 57.3
Iniibig tayo ng Ama, hindi dahil sa malaking pampalubag-loob, kundi ibinigay Niya ang pampalubag-loob dahil sa iniibig Niya tayo. Si Cristo ang naging tagapamagitan upang maibuhos ng Ama ang Kanyang walang-hanggang pag- ibig sa nagkasalang sanlibutan. . . . Wala liban sa Anak ng Diyos lamang ang makatutubos sa atin; sapagkat Siya lamang na nagmula sa kandungan ng Ama ang Siyang makapagpapahayag sa Ama. Siya lamang na nakaaalam ng taas at lalim ng pag-ibig ng Diyos ang Siyang makapagpapakilala nito. Wala, maliban sa walang-hanggang sakripisyo na ginawa ni Cristo para sa nagkasalang tao ang makapagpapahayag ng pag-ibig ng Ama sa nawaglit na sangkatauhan.— Steps to Christ, pp. 13,14. KDB 57.4