Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

3/376

Siya ang Haring Walang Hanggan, Enero 2

Sa Haring walang hanggan, walang kamatayan, di nakikita, tanging Diyos, ang karangalan at kaluwalhatian magpakailanpaman. Amen. 1 Timoteo 1:17. KDB 8.1

Ang kapahayagan ng Kanyang sarili na ibinigay ng Diyos sa Kanyang Salita ay para sa ating pag-aaral. Ito ay maaari nating naising maunawaan. Ngunit ang higit pa rito ay hindi natin maaaring pasukin. Ang pinaka- mataas na isipan ay maaaring pahirapan ang sarili hanggang sa ito ay mapagod sa mga haka-haka tungkol sa likas ng Diyos, ngunit ang pagsisikap ay magiging walang bunga. Ang suliraning ito ay hindi ibinigay sa atin para lutasin. Walang kaisipan ng tao ang makauunawa sa Diyos. Walang sinuman ang dapat magtuon sa haka-haka tungkol sa Kanyang likas. Dito ang katahimikan ay kahusayan. KDB 8.2

Kahit ang mga anghel ay hindi pinayagang makibahagi sa usapan sa pagitan ng Ama at ng Anak nang ilatag ang plano ng kaligtasan. At ang mga tao ay hindi dapat makialam sa mga lihim ng Kataas-taasan. Tayo'y walang alam sa Diyos gaya ng mga maliliit na mga bata; ngunit, gaya ng maliliit na mga bata, maaari nating ibigin at sundin Siya. Sa halip na magkaroon ng mga haka-haka tungkol sa Kanyang likas o ang Kanyang kaukulang karapatan, ating talimahin ang salitang Kanyang sinabi: “Matatagpuan mo ba ang malalalim na bagay ng Diyos?”— The Ministry of Healing, pp. 429, 430. KDB 8.3

Hindi matatagpuan ng tao ang mga malalalim na bagay ng Diyos. Ang sinuman ay huwag maghanap nang may mapangahas na kamay para itaas ang kurtinang tumatakip sa Kanyang kaluwalhatian. “Hindi masuri ang mga hatol niya, at hindi masiyasat ang kanyang mga daan!” Ito ay pagpapatunay ng Kanyang kaawaan na mayroong pagtatakip ng Kanyang kapangyarihan; sapagkat ang pagtataas ng kurtinang tumatakip sa banal na presensya ay kamatayan. Walang mortal na isipan ang makapapasok sa paglilihim kung saan ang Makapangyarihan ay nananahan at gumagawa. Tanging iyon lamang nakikita Niyang nararapat na ihayag ang maaari nating maunawaan sa Kanya. Ang katwiran ay dapat kumilala sa awtoridad na mas mataas kaysa sarili nito. Ang puso at isip ay dapat yumukod sa dakilang Ako Nga.— Ibid., p. 438. KDB 8.4