Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

309/376

Iningatan ni Pablo ang Pananampalataya, Oktubre 27

Nakipaglaban ako ng mabuting pakikipaglaban, natapos ko na ang aking takbuhin, iningatan ko ang pananampalataya.2 Timoteo 4:7. KDB 315.1

Mula sa bulwagan ng hukuman ni Cesar, nagbalik si Pablo sa kanyang selda, na nalalaman na maigsing kapahingahan lamang ang kanyang nakuha. Alam niya na hindi titigil ang kanyang mga kaaway hanggang hindi siya napapatay. Ngunit alam niya rin na sa maigsing panahon ay nagtagumpay siya. Tagumpay na mismo iyong naihayag niya sa karamihan ng nakinig sa kanya ang Tagapagligtas na naipako sa krus at nabuhay mag- uli. Noong araw na iyon nagsimula ang isang gawain na lalago at lalakas, at nanasain ni Nero at ng lahat ng kalaban ni Cristo na pigilan o sirain. . . . KDB 315.2

Sa buong panahon ng kanyang mahabang paglilingkod, hindi nanghina si Pablo sa kanyang katapatan sa kanyang Tagapagligtas. Saanman siya naroon— sa harap man ng mga nagngangalit na Fariseo, o sa opisyal na Romano; sa harap ng galit na galit na pulutong sa Listra, o sa mga makasalanang preso sa bartolina sa Macedonia; maging nakikipagkatuwiranan sa mga nahihintakutang maglalayag sa barkong papalubog, o tumatayong mag-isa sa harap ni Nero upang magsumamo para sa kanyang buhay—hindi niya ikinahiya iyong panig na kanyang itinataguyod. Ang isang dakilang layunin ng kanyang buhay Cristiano ay maglingkod sa Kanya na may pangalang dati niyang kinamumuhian; at mula sa layuning ito ay walang pagsalansang o paniniil ang nakapigil sa kanya. Ang kanyang pananampalataya na pinalakas sa pamamagitan ng pagsisikap at dalisay na pagsasakripisyo, ay itinaas siya at pinalakas. . . . Ang totoong ministro ng Diyos ay hindi iiwas sa kahirapan o pananagutan. Kumukuha siya ng kalakasan mula sa Pinagkukunan na hindi bumibigo sa kanilang tapat na nagnanasa para sa banal na kapangyarihan. Ang Diyos ang nagbibigay lakas sa kanya na salubungin at managumpay sa tukso, at gampanan ang mga tungkuling ibinibigay sa kanya ng Diyos. . . . Nagnanasa ang kanyang kaluluwa para sa katanggap-tanggap na paglilingkod para sa Panginoon.— The Acts of the Apostles, pp. 498-501. KDB 315.3