Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

28/376

Dapat Nating Hanapin ang Karunungan, Enero 27

Ang humahamak sa salita, sa sarili ‘y nagdadala ng kapahamakan, ngunit ang gumagalang sa utos ay gagantimpalaan. Ang kautusan ng matalino ay bukal ng buhay, upang makaiwas ang tao sa mga bitag ng kamatayan. Kawikaan 3:13, 14. KDB 33.1

Dahil ang Diyos ang pinagmumulan ng lahat ng tunay na karunungan, ito ay, gaya ng ating nakita, ang unang layunin ng edukasyon na idirekta ang ating mga isipan sa Kanyang sariling pahayag tungkol sa Kanyang sarili. Si Adan at Eva ay tumanggap ng karunungan sa pamamagitan ng direktang pakikipag-ugnayan sa Diyos; at nakilala nila Siya sa pamamagitan ng Kanyang mga gawa. Ang lahat ng mga bagay na nalikha, sa orihinal nitong kasakdalan, ay kapahayagan ng kaisipan ng Diyos. Kay Adan at Eva, ang kalikasan ay sagana sa karunungan ng Diyos. Ngunit sa pamamagitan ng kasalanan ang tao ay nahiwalay mula sa pagkakilala sa Diyos sa pamamagitan ng direktang pakikipag-ugnayan, at sa mas mataas na antas, sa pamamagitan ng Kanyang mga gawa. Ang lupa, na nabahiran at narumihan ng kasalanan, ay sumasalamin ngunit may kalabuan sa kaluwalhatian ng Manlilikha. Totoo na ang Kanyang mga mahahalagang aralin ay hindi napawi. Sa bawat pahina ng Kanyang napakaraming mga nilikha ay mababakas pa rin ang Kanyang mga sulat. Ang kalikasan ay nagsasalita pa rin patungkol sa kanyang Manlilikha. Subalit ang kapahayagan ay bahagya lamang at hindi sakdal. At sa ating bumagsak na kalagayan, taglay ang napahinang kakayahan at limitadong pananaw, tayo ay walang kakayahang magpakahulugan nang tama. Kailangan natin ang mas lubusang kapahayagan ng Kanyang sarili na ibinigay ng Diyos sa Kanyang nasusulat na Salita. . . . KDB 33.2

Para magkaroon ng edukasyong karapat-dapat sa pangalan nito, dapat tayong tumanggap ng pagkakilala sa Diyos, ang Manlilikha, at kay Cristo, ang Manunubos, kung paano ito ipinahahayag sa Banal sa Salita. . . . Sa halip na ikulong ang kanilang pag-aaral doon sa mga sinasabi o isinulat ng mga tao, hayaang ang mga estudyante ay maituro sa mga pinagkukunan ng katotohanan, sa malawak na mga bukid na bukas para sa pagsasaliksik mula sa kalikasan at pahayag. Hayaang pagnilayan nila ang dakilang mga katotohanan ng tungkulin at kapalaran, at ang kaisipan ay lalawak at mapalalakas.— EDUCATION, pp. 16-18. KDB 33.3