Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

253/376

Ialay ang Inyong mga Katawan, Setyembre 2

Kaya nga, mga kapatid, isinasamo ko sa inyo, alang-alang sa mga kahabagan ng Diyos, na inyong ialay ang inyong mga katawan na isang handog na buhay, banal, na kasiya-siya sa Diyos, na siya ninyong makatuwirang paglilingkod. Roma 12:1. KDB 259.1

Hindi kayo sa inyong mga sarili. Binili kayo ni Jesus sa pamamagitan ng Kanyang dugo. Huwag ninyong ibaon ang inyong mga talento sa lupa. Gamitin ninyo ang mga ito para sa Kanya. Sa anumang bagay na inyong pinagkakaabalahan, dalhin ninyo si Jesus dito. Kung matatagpuan ninyong nawawala na ang inyong pagmamahal sa inyong Tagapagligtas, isuko ninyo ang inyong pinagkakaabalahan, at sabihin, “Narito ako, aking Tagapagligtas; ano ang nais mong gawin ko?” Malugod Niya kayong tatanggapin, at mamahalin kayo nang malaya. Magpapatawad Siya nang masagana; dahil Siya ay mahabagin at mapagpahinuhod, na hindi nagnanais na ang sinuma'y mawaglit. . . . KDB 259.2

Tayo, at ang lahat ng nasa atin, ay sa Diyos. Hindi natin dapat na ituring na isang sakripisyo ang ibigay sa Kanya ang pagmamahal ng ating mga puso. Ang puso mismo'y kailangang ibigay sa Kanya bilang isang nakahandang handog.— Messages to Young People, p. 70. KDB 259.3

Ang katawan ang tanging pamamaraan na ang pag-iisip at kaluluwa'y nahuhubog para sa pagbuo ng karakter. Kaya't itinutuon ng kaaway ng mga kaluluwa ang kanyang mga tukso sa pagpapahina at pagpapasama sa mga kapangyarihang pisikal. Ang tagumpay niya'y nangangahulugang ang pagsuko ng buong pagkatao sa kasamaan. Ang mga hilig ng ating pisikal na likas, malibang nasa ilalim ng paghahari ng mas mataas na kapangyarihan, ay tiyak na gagawa para sa pagkasira at kamatayan. KDB 259.4

Ang katawan ay dapat na masakop. . . . Dapat na maisaisip ang mga hinihingi ng Diyos. Kailangang gisingin ang mga lalaki't babae sa tungkulin ng pagsupil sa sarili, sa pangangailangan ng kadalisayan, kalayaan mula sa bawat panlasang nakasisira at nakasanayang gawain na nagpaparumi. Dapat na maidiin sa kanila ang katotohanang ang lahat ng kanilang mga kapangyarihan ng pag-iisip at katawan ay mga kaloob ng Diyos, at kailangang ingatan sa pinakamabuting kalagayan para sa paglilingkod sa Kanya.— The Ministry of Healing, p. 130. KDB 259.5