Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Ihandog ang mga Bahagi ng Inyong Katawan, Setyembre 1
At huwag din ninyong ihandog ang mga bahagi ng inyong katawan sa kasalanan bilang kasangkapan ng kasamaan tungo sa kasalanan, kundi ihandog ninyo ang inyong sarili sa Diyos, na tulad sa mga buhay mula sa mga patay, at ang mga bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan ng pagiging matuwid tungo sa Diyos. Roma 6:13. KDB 258.1
Nasa atin ang tatak ng Diyos. Binili Niya tayo at ninanasa Niyang alalahanin natin na ang ating mga kapangyarihang pisikal, mental, at moral ay sa Kanya. Ang ating panahon at ang impluwensiya, pag-iisip, damdamin, at konsyensya ay sa Diyos, at kailangang gamitin sang-ayon sa Kanyang kalooban. Hindi sila dapat gamitin sang-ayon sa pagtuturo ng sanlibutan; sapagkat ang sanlibutan ay nasa ilalim ng isang pinuno na nakikipag-alitan sa Diyos. KDB 258.2
Ang laman, na pinananahanan ng kaluluwa, ay sa Diyos. Ang bawat litid, bawat kalamnan ay sa Kanya. Hindi sa anumang paraan natin dapat na kaligtaan o abusuhin upang pahinain ang isang sangkap ng katawan. Dapat tayong makipagtulungan sa Diyos sa pamamagitan ng pananatili sa pinakamaayos na kalagayan ng kalusugan, upang ito'y maging templo kung saan maaaring manatili ang Banal na Espiritu, na hinuhubog sang-ayon sa kalooban ng Diyos ang bawat kapangyarihang pisikal at espirituwal. KDB 258.3
Dapat na imbakan ng mga dalisay na prinsipyo ang pag-iisip. Dapat na iukit ang katotohanan sa mga tapyas ng kaluluwa. Dapat na punuin ang alaala ng mahahalagang katotohanan ng Salita. Kung magkagayon, gaya ng mahahalagang hiyas, ang mga katotohanang ito'y magliliwanag sa buhay.— Messages to Young People, p. 69. KDB 258.4
Susubukin at patutunayan ang bayan ng Diyos. Kailangang magpatuloy ang mahigpit at sumusuring gawain sa mga nangingilin ng Sabbath. Katulad ng matandang Israel, napakabilis nating lumimot sa Diyos at sa Kanyang kamangha- manghang mga gawa, at mag-alsa laban sa Kanya.— Testimonies for the Church, vol. 1, p. 287. KDB 258.5