Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Ang Lupa Ay Puspos ng Kanyang Kabutihan, Enero 20
Ang katuwiran at katarungan ay kanyang iniibig, puno ng tapat na pag-ibig ng PANGINOON ang daigdig. Sa pamamagitan ng salita ng PANGINOON ay ginawa ang mga langit; at lahat ng mga hukbo nila sa pamamagitan ng hinga ng kanyang bibig. Awit 33:5,6. KDB 26.1
Mula sa mga bituin na nasa kanilang walang bakas na pag-ikot sa kalawakan, na sumusunod sa bawat panahon sa daang itinalaga sa kanila, hanggang sa pinakamaliit na atomo, ang mga bagay ng kalikasan ay sumusunod sa kalooban ng Manlilikha nito. . . . Siyang humahawak sa hindi mabilang na mga mundo sa buong kalawakan, at kasabay nito ay nag- aalaga sa pangangailangan ng maliliit na kayumangging maya na umaawit ng mapagkumbabang mga awitin na walang takot. Kapag ang tao ay nagtutungo sa kanyang araw-araw na gawain, kung paanong sila ay nananalangin, kapag sila ay humihiga sa gabi, at sa kanilang pagbangon sa umaga; kapag ang taong mayaman ay nagpipista sa kanyang palasyo, o kapag ang taong mahirap ay tinitipon ang kanyang mga anak sa palibot ng kakarampot na handa, ang bawat isa ay magiliw na binabantayan ng Ama.— Steps to Christ, p. 86. KDB 26.2
Ang Diyos ay walang tigil na umaalalay at ginagamit bilang Kanyang mga lingkod ang mga bagay na Kanyang nilikha. Siya ay gumagawa sa pamamagitan ng batas ng kalikasan, ginagamit sila bilang Kanyang mga instrumento. Ang mga ito ay hindi kumikilos sa sarili nila. Ang kalikasan sa gawain nito ay nagpapatunay sa matalinong presensya at aktibong paggawa Niya na gumagawa sa lahat ng mga bagay ayon sa Kanyang kalooban. . . . Hindi sa sariling kapangyarihan nito na taon-taon ang lupa ay nagbibigay ng kanyang kaloob, at patuloy sa kanyang pag-ikot sa araw. Ang kamay ng Isang Walang Hanggan ang palagiang gumagawa na gumagabay sa planetang ito. Ang kapangyarihan ng Diyos na patuloy na ginagamit ang siyang nagpapanatili sa mundo sa posisyon nito sa kanyang pag-ikot. Ang Diyos ang nagpapasikat ng araw sa mga kalangitan. Kanyang binubuksan ang bintana ng kalangitan at nagbibigay ng ulan. . . . Sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan na ang mga pananim ay yumayabong, na ang bawat dahon ay umuusbong, ang bawat bulaklak ay namumukadkad, ang bawat prutas ay lumalaki.— The Ministry of Healing, p. 416. KDB 26.3