Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Mag-uukol Kami ng Aming mga Sarili sa Pananalangin, Hulyo 23
Samantalang kami, bilang aming bahagi, ay mag-uukol ng aming sarili sa pananalangin at sa paglilingkod sa salita. Gawa 6:4. KDB 216.1
Manalangin, oo, manalangin ng panalanging hindi mo pa kailanman nagagawa, upang hindi ka madaya ng mga kasangkapan ni Satanas, upang hindi ka bumigay at magkaroon ng espiritung pabaya, walang- ingat, walang kabuluhan, at gumagawa sa mga tungkuling pangrelihiyon para patahimikin ang iyong sariling budhi. Hindi nararapat para sa mga Cristiano, sa anumang panahon ng mundo, na maging maibigin sa kasiyahan, ngunit gaano pa ngang higit sa ngayon na ang mga eksena ng kasaysayan ng lupa ay malapit ng magtapos. KDB 216.2
Tiyak na ang pundasyon ng iyong pag-asa sa buhay na walang hanggan ay hindi mailalagay sa labis na kasiguruhan. Ang kapakanan ng iyong kaluluwa, at ang iyong walang-hanggang kaligayahan ay nakasalalay sa kung ang iyong pundasyon ay nakatayo kay Cristo. Habang ang iba ay nagnanais para sa mga kasiyahan sa lupa, kayo ay magnais sa di-magkakamaling katiyakan ng pag-ibig ng Diyos, magsikap, taimtim na umiiyak, Sino ang makapagpapakita sa akin kung paano gagawing tiyak ang aking pagkatawag at pagkahirang?— Testimonies for the Church, vol. 2, pp. 144, 145. KDB 216.3
Ang kadiliman ng masama ay binabalot ang mga nagpapabayang manalangin. Ang binulong na mga tukso ng kaaway ay umaakit sa kanila na magkasala; at lahat ito ay dahil hindi nila ginagamit ang mga pribilehiyong ibinigay sa kanila ng Diyos sa banal na pagtatalaga ng pananalangin. Bakit dapat mag-atubiling manalangin ang mga anak na lalaki at babae ng Diyos, kung ang panalangin ay susi sa kamay ng pananampalataya para mabuksan ang kamalig ng langit, kung saan nakalagay ang walang-hanggang kayamanan ng Makapangyarihan sa Lahat? Kung wala ang walang-tigil na pagdarasal at masigasig na pagbabantay, nasa panganib tayong lumagong walang-ingat at lumihis mula sa tamang landas. Patuloy na hinahangad ng kaaway na hadlangan ang daan patungo sa luklukan ng awa, upang hindi tayo, sa pamamagitan ng taimtim na pagsusumamo at pananampalataya, makakuha ng biyaya at kapangyarihan upang labanan ang tukso.— steps to Christ, pp. 94, 95. KDB 216.4