Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Kapag Ako'y Tumawag, ang Diyos Ay Tutugon, Hulyo 9
Siya'y tatawag sa akin at sasagutin ko siya; ako'y magiging kasama niya sa kabalisahan, sasagipin ko siya at pararangalan ko siya. Awit 91:15. KDB 202.1
Lahat tayo ay nagnanais ng agaran at direktang kasagutan sa ating mga panalangin, at lahat ay natutuksong mapanghinaan ng loob kapag naantala ang sagot o dumating sa isang di-inaasahang anyo. Ngunit napakatalino at napakabuti ng Diyos para sagutin palagi ang ating mga panalangin sa panahon at sa paraang ninanais natin. Siya'y gagawa nang higit at mas mabuti para sa atin kaysa sa pagtupad ng lahat ng ating kagustuhan. At dahil mapagkakatiwalaan natin ang Kanyang karunungan at pagmamahal, hindi natin dapat hilingin sa Kanya na pumayag sa ating kalooban, ngunit dapat hangaring makapasok at magampanan ang Kanyang layunin. Ang ating mga ninanais at interes ay dapat maglaho sa Kanyang kalooban. Ang mga karanasang ito na sumusubok sa pananampalataya ay para sa ating kapakinabangan. Sa pamamagitan ng mga ito naipakikita kung ang ating pananampalataya ay totoo at taos-puso, na nakasalalay lamang sa Salita ng Diyos, o kung nakadepende sa mga pangyayari, ito'y di-sigurado at nababago. Ang pananampalataya ay pinalalakas sa pamamagitan ng paggamit. Hayaan nating lubos na gumawa ang pagtitiyaga, na inaalalang may mga mahahalagang pangako sa mga Kasulatan para sa mga naghihintay sa Panginoon.— The Ministry of Healing, p. 231. KDB 202.2
Ang Diyos ay masyadong matalino para magkamali, at napakabuti para ipagkait ang anumang mabuting bagay mula sa Kanyang mga banal na lumalakad nang matuwid. Ang tao ay nagkakamali, at kahit na ang kanyang mga kahilingan ay ipinadala mula sa isang matapat na puso, hindi niya palaging hinihiling ang mga bagay na mabuti para sa kanyang sarili, o makaluluwalhati sa Diyos. Kapag ganito, naririnig ng ating matalino at mabuting Ama ang ating mga panalangin, at sasagot, minsan ay agaran; ngunit ibinibigay Niya sa atin ang mga bagay na para sa ating ikabubuti at sa Kanyang sariling kaluwalhatian. Binibigyan tayo ng Diyos ng mga pagpapala; kung makatitingin tayo sa Kanyang plano, malinaw nating makikita na alam Niya kung ano ang pinakamabuti para sa atin, at nasasagot ang ating mga panalangin.— Testimonies for the Church, vol. 1, pp. 120,121. KDB 202.3