Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

191/376

Sa Iyo Ako Naghihintay, Dahil Ikaw ang Siyang Tutugon, Hulyo 4

Ngunit sa iyo ako naghihintay, O PANGINOON, ikaw, O PANGINOON kong Diyos ang siyang tutugon. Awit 38:15. KDB 197.1

Dapat tayong mapanalanginin kung nais nating umunlad sa banal na buhay. Nang unang ipahayag ang mensahe ng katotohanan, gaano tayo kadalas nanalangin. Gaano kadalas naririnig ang tinig ng pamamagitan sa silid, sa kamalig, sa halamanan, o sa kakahuyan. Madalas tayong gumugugol ng mga oras sa taimtim na pananalangin, dalawa o tatlong magkasama na inaangkin ang pangako; madalas na naririnig ang tunog ng pag-iyak, at pagkatapos ay tinig ng pasasalamat at ang awit ng papuri. Ngayon ang araw ng Diyos ay mas malapit na kaysa nang una tayong naniwala, at dapat tayong maging mas taimtim, mas masigasig, at maalab kaysa noong mga unang panahon. Mas matindi ang panganib natin ngayon kaysa noon. Mas tumigas ang mga kaluluwa. Kailangan natin ngayon na mapuno ng espiritu ni Cristo; at hindi tayo dapat magpahinga hanggang sa matanggap natin ito.—Testimonies for the Church, vol. 5, pp. 161, 162. KDB 197.2

Manalangin, oo, manalangin nang may di-natitinag na pananampalataya at pagtitiwala. Ang Anghel ng Pakikipagtipan, ang ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Tagapamagitan na tumitiyak ng pagtanggap sa mga panalangin ng Kanyang mga mananampalataya.— Ibid., vol. 8, p. 179. KDB 197.3

Sa pamamagitan ng kalikasan at paghahayag, sa Kanyang pangangalaga, at sa impluwensiya ng Kanyang Espiritu, nagsasalita ang Diyos sa atin. Ngunit hindi sapat ang mga ito; kailangan din nating ibuhos ang ating mga puso sa Kanya. At para magkaroon ng espirituwal na buhay at lakas, dapat tayong magkaroon ng aktuwal na pakikipagniig sa ating Ama sa langit. Maaaring mailapit ang ating mga isipan sa Kanya; maaari nating pagnilayan ang Kanyang mga gawa, ang Kanyang mga awa, ang Kanyang mga pagpapala; ngunit hindi pa ito ang ganap na kahulugan ng pakikipag-usap sa Kanya. Para makipag-usap sa Diyos, dapat may masabi tayo sa Kanya patungkol sa ating aktuwal na buhay.— Steps to Christ, p. 93. KDB 197.4