Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Tinataglay ang mga Bunga ng Espiritu, Hunyo 29
Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kagandahang loob, kabutihan, katapatan, kaamuan, at pagpipigil sa sarili. Laban sa mga ito ay walang kautusan. Galacia 5:22, 23. KDB 191.1
Ang bungang ito ay hindi maaaring maglaho, kundi magdudulot ayon sa uri nito ng ani tungo sa walang-hanggang buhay. . . . Naghihintay si Cristo na may masidhing pananabik para sa paghahayag ng Kanyang sarili sa iglesya. Kung ganap na nabuo ang karakter ni Cristo sa Kanyang bayan, kung magkagayo'y darating Siya upang angkinin sila na Kanyang pagmamay-ari. KDB 191.2
Pribilehiyo ng bawat Cristiano, hindi lamang ang hanapin, kundi pabilisin ang pagdating ng Panginoong Jesu-Cristo. Kung namumunga para sa Kanyang kaluwalhatian ang lahat ng nag-aangkin sa Kanyang pangalan, gaano nga kabilis mahahasikan ng binhi ng ebanghelyo ang buong mundo. Mabilis na mahihinog ang huling dakilang ani, at darating si Cristo upang tipunin ang mahahalagang binhi. Christ’s object Lessons, p. 69. KDB 191.3
Hindi mapupuno ng kapusukan o paghihiganti ang pusong pinaghaharian ng pag-ibig, ni ng mga pinsalang hindi matitiis ng pagmamataas at pagmamahal sa sarili. Hindi mapaghinala ang pag-ibig, laging binibigyan ng pinakamabuting layunin ang mga motibo at gawain ng iba. Hindi ilalantad ng pag-ibig ang mga pagkakamali ng iba kung hindi kinakailangan. Hindi ito sabik na makinig sa mga hindi mabuting ulat, kundi sinisikap na isaisip ang mabuting kaugalian ng isang taong sinisiraang-puri. . . . Ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan at kapayapaan. Gawain ni Satanas ang hindi pagkakasundo at pagtatalo, at bunga ng kasalanan. Kung nanaisin natin bilang isang bayan na magtamasa ng kapayapaan at pag-ibig, kailangan nating itakwil ang ating mga kasalanan, dapat tayong pumasok sa pagkakasundo sa Diyos, at pagkakasundo sa isa't isa. Hayaang tanungin ng bawat isa ang kanyang sarili: Tinataglay ko ba ang biyaya ng pag-ibig? Natutunan ko na ba ang matiyagang pagtitiis, at ang maging mabuti?— Testimonies for the Church, vol. 5, p. 169. KDB 191.4