Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

183/376

Tapat ang Buhay na Binago, Hunyo 27

Upang inyong makilala ang mga bagay na magaling; at kayo'y maging mga tapat at walang kapintasan hanggang sa araw ni Cristo. Filipos 1:10. KDB 189.1

Marami sa tinawagan ng Diyos upang gumawa ng mahusay na gawain ay napakakakaunti ang nagagawa, sapagkat nagtatangka sila nang kaunti. Libu-libo ang dumaraan sa buhay na para bang wala silang siguradong layunin para mabuhay, walang pamantayan na kailangang abutin. Tatanggap ang mga ganito ng gantimpala sang-ayon sa kanilang mga gawa. Tandaan ninyo na hindi ninyo maaabot ang pamantayang higit na mataas kaysa roon sa inyong itinatag. Kaya't taasan ninyo ang inyong mithiin, at bawat hakbang, bagaman sa pamamagitan ng mahirap na pagsusumikap, sa pamamagitan ng pagtanggi sa sarili at sakripisyo, akyatin nang buo ang hagdanan ng paglago. Huwag ninyong pahintulutang mapigilan kayo ng anumang bagay. Hindi inihabi ng tadhana ang mga hibla nito nang napakatibay sa palibot ng sinumang tao na kailangan niyang manatiling walang-kaya at nasa pag-aalinlangan. Ang sumasalungat na mga pangyayari ay dapat na makabuo ng matibay na determinasyon upang mapanagumpayan ang mga ito. Ang pagpapabagsak sa isang balakid ay magbibigay ng higit na kakayanan at tapang upang sumulong. Magpatuloy na may determinasyon sa tamang direksyon, at magiging katulong ninyo ang mga pangyayari, hindi balakid. KDB 189.2

Maging ambisyoso, para sa kaluwalhatian ng Panginoon, upang malinang ang bawat biyaya ng karakter. Dapat na magbigay-lugod sa Diyos ang bawat yugto ng inyong pagbubuo ng karakter. Magagawa ninyo ito; sapagkat nagbigay-lugod si Enoc sa Kanya, bagaman nabubuhay sa isang masamang kapanahunan. At may mga Enoc sa ating panahon. . . . KDB 189.3

Ang tanging kayamanan na madadala natin mula sa mundong ito patungo sa susunod ay isang karakter na hinubog sang-ayon sa wangis ng Diyos. Silang nasa ilalim ng pagtuturo ni Cristo sa mundong ito ay dadalhin ang bawat makakamtang kabanalan tungo sa mga mansyon sa langit. At tayo'y patuloy na lalago sa langit. Gaano ngang kahalaga ang pagpapaunlad ng karakter sa buhay na ito.— Christ’s Object Lessons, pp. 331, 332. KDB 189.4