Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

182/376

Tayo'y Magiging mga Bagong Nilalang, Hunyo 26

Kaya't kung ang sinuman ay na kay Cristo, siya'y bagong nilalang; ang mga lumang bagay ay lumipas na, tingnan ninyo, ang lahat ay naging bago. 2 Corinto 5:17. KDB 188.1

Habang ang pag-iisip ay nananahan kay Cristo, hinuhubog ang karakter sang-ayon sa banal na wangis. Napupuno ang pag-iisip ng pagkadama ng Kanyang kabutihan, at Kanyang pag-ibig. Pinagninilay-nilayan natin ang Kanyang karakter, at sa ganito Siya'y nasa lahat ng ating mga iniisip. Pinalilibutan tayo ng Kanyang pag-ibig. Kung titingin tayo maski panandalian sa araw sa kaluwalhatian nito sa tanghaling-tapat, sa sandaling ibinaling natin ang ating paningin, makikita ang imahe ng araw sa lahat ng ating tinitingnan. KDB 188.2

Gayundin kapag ating minamasdan si Jesus; lahat ng ating tinitingnan ay sinasalamin ang Kanyang imahe, ang Araw ng Katuwiran. Wala tayong ibang makita, o ibang pag-uusapan. Nakatatak ang Kanyang larawan sa mata ng kaluluwa, at inaapektuhan ang bawat bahagi ng ating pang-araw-araw na buhay, na pinalalambot at sinasakop ang ating buong likas. Nababago tayo sa pamamagitan ng pagtingin sa banal na wangis, sa wangis ni Cristo. Sinasalamin natin ang maliwanag at masiglang sinag ng Kanyang katuwiran sa lahat ng ating makakasalamuha. Nabago na tayo sa karakter; sapagkat ang ating puso, kaluluwa, at pag-iisip ay naliliwanagan sa pamamagitan ng repleksyon Niya na nagmahal sa atin at nagbigay ng Kanyang sarili para sa atin. Naritong muli ang kabatiran ng isang personal at buhay na impluwensiya na nananahan sa ating mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya. KDB 188.3

Kapag tinanggap ang Kanyang mga salita ng pagtuturo, at sinakop tayo nito, si Jesus sa atin ay nagiging isang namamalaging presensya, na kumukontrol sa ating mga pag-iisip at pagkilos. Napuspos tayo ng pangaral ng pinakadakilang guro na nakilala ng sanlibutan. Ang pagkadama ng pananagutan ng tao at impluwensiya ng tao, ay nagbibigay kahusayan sa ating mga pananaw sa buhay at sa mga tungkulin sa bawat araw. Si Cristo ang lahat-lahat sa atin—ang una, ang huli, ang pinakamabuti sa lahat ng bagay.— Messages to Young People, pp. 160, 161. KDB 188.4