Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Kung Magawa ang Lahat, Ako'y Tatayong Matatag, Hunyo 24
Kaya't kunin ninyo ang buong baluti ng Diyos, upang kayo'y makatagal sa araw na masama, at kung magawa na ninyo ang lahat ay tumayong matatag. Efeso 6:13. KDB 186.1
Silang naninindigan sa pagtatanggol ng karangalan ng Diyos, at pinananatili ang kadalisayan ng katotohanan anuman ang kapalit, ay magkakaroon ng iba't ibang mga pagsubok, na gaya din ng ating Tagapagligtas sa ilang ng tukso. Samantalang silang may mga ugaling sumusuko, na walang tapang na hatulan ang kamalian, kundi nananahimik kapag kailangan ang kanilang impluwensiya na manindigan sa pagtatanggol ng tama laban sa anumang panggigipit, ay maaaring makaiwas sa maraming sakit ng kalooban at makatakas sa maraming mga kagulumihanan, ngunit mawawala rin sa kanila ang napakayamang gantimpala, kung hindi man ang sarili nilang kaluluwa. Silang kasang-ayon ng Diyos, at sa pamamagitan ng pananampalataya ay tumatanggap ng kalakasan upang labanan ang kamalian at manindigan sa pagtatanggol ng tama, ay laging magkakaroon ng matinding pakikipagtunggali, at madalas na tatayo na mag-isa. Ngunit mapapasakanila ang mahahalagang pagtatagumpay samantalang nagtitiwala sila sa Diyos. Magiging kalakasan nila ang Kanyang biyaya. Magiging matalas at malinaw ang kanilang pandamang moral at mapapanagumpayan ng kanilang kalakasang moral ang mga maling impluwensiya. Magiging pinakadalisay na uri ang kanilang katapatan na tulad ng kay Moises.— Testimonies for the Church, vol. 3, pp. 302, 303. KDB 186.2
Kailangang itakwil ang kamangmangan. Dapat tayong gumising mula sa pananamlay na magiging ating pagkawasak maliban na malabanan natin ito. Si Satanas ay may makapangyarihan at kumukontrol na impluwensiya sa ating mga pag-iisip. . . . Wala talagang neutral na posisyon. Tayo'y nagpapasya para sa tama o para sa kamalian. . . . Marami ang nag-aangking naniniwala sa katotohanan na bulag sa kanilang sariling panganib. Iniingatan nila ang kasalanan sa kanilang mga puso at isinasagawa ito sa kanilang mga buhay. Hindi mababasa ng kanilang mga kaibigan ang kanilang mga puso, at madalas nilang isiping gayon ay tama.— Ibid., pp. 328, 329. KDB 186.3