Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa
Hindi Ako Matitinag, Hunyo 18
Lagi kong pinananatili ang PANGINOON sa aking harapan; hindi ako matitinag, sapagkat siya ay nasa aking kanan. Awit 16:8. KDB 180.1
Ito'y sa pamamagitan ng mga maliliit na mga bagay na ang ating mga karakter ay nabubuo tungo sa kaugalian ng katapatan. . . . Walang bagay na kinakailangan nating gawin ang talagang maliit. May pinatutungkulan ang bawat pagkilos, maging sa panig ng tama, o sa panig ng kamalian. Sa pamamagitan lamang ng pagsasagawa ng prinsipyo sa maliliit na transaksyon ng buhay tayo nasusubok at nabubuo ang ating mga karakter. Sa iba't ibang kalagayan ng buhay tayo'y nasusubok at napatutunayan, at sa pamamagitan nito'y nagkakamit tayo ng kapangyarihan na manindigan sa higit na malaki at higit na mahalagang mga pagsubok na tinatawagan tayong pagtiisan, at nagiging kwalipikadong mailagay sa higit pang mahahalagang posisyon. Kailangang sanayin ang pag-iisip sa pamamagitan ng araw-araw na pagsubok tungo sa mga kaugalian ng katapatan, tungo sa pandama sa mga hinihingi ng matuwid at ng tungkulin nang higit pa sa hilig at paglilibang. Ang mga pag- iisip na sinanay sa ganitong paraan ay hindi nagpapaurong-sulong sa pagitan ng tama at mali, na gaya ng tambong nanginginig sa hangin; ngunit kapag nahaharap sa kanila ang mga usapin, agad nilang nakikita ang mga kasangkot na prinsipyo, at likas na pinipili nila ang tama na hindi na pinagtatalunan nang matagal. Tapat sila dahil sinanay nila ang kanilang mga sarili sa mga kaugalian ng katapatan at katotohanan. Sa pamamagitan ng katapatan sa pinakamaliit, nagkakamit sila ng kalakasan, at nagiging madali para sa kanila ang maging tapat sa malalaking bagay.— Testimonies for the Church, vol. 3, p. 22. KDB 180.2
Kung puno ng banal na samyo ang ating mga buhay, kung pinararangalan natin ang Diyos sa pamamagitan ng mabubuting pag-iisip para sa ibang tao, at mabubuting gawa upang pagpalain ang iba, hindi mahalaga kung nakatira tayo sa kubo o sa palasyo. Kakaunti ang kinalaman ng mga kalagayan ng buhay sa mga karanasan ng kaluluwa.— Ibid., vol. 5, p. 488. KDB 180.3
Tulad ng mga titik na binakas sa buhangin ang dakilang pangalan sa gitna ng mga tao; ngunit ang karakter na walang bahid ay mananatili hanggang sa buong walang hanggan.— Ibid., p. 579. KDB 180.4
Ako'y Magiging Gaya ng Isang Punungkahoy, HUNYO 19 KDB 181.1
Siya ay gaya ng isang punungkahoy na itinanim sa tabi ng agos ng tubig, na nagbubunga sa kanyang kapanahunan, ang kanyang dahon nama'y hindi nalalanta, sa lahat ng kanyang ginagawa ay nagtatagumpay siya. Awit 1:3. KDB 181.2
Dapat na walang pagkukunwari sa buhay ng mga may napakabanal at taimtim na mensaheng tinawagan tayong dalhin. Minamatyagan ng sanlibutan ang mga Seventh-day Adventist, dahil alam nito ang tungkol sa kanilang pag-aangkin ng pananampalataya, at sa kanilang mataas na pamantayan, at kapag nakita nito silang hindi isinasakabuhayan ang kanilang pag-aangkin, tinuturo sila na may paghamak. KDB 181.3
Silang nagmamahal kay Jesus ay dadalhin ang lahat sa kanilang buong buhay sa pagiging kasundo sa Kanyang kalooban. Pinili nilang tumayo sa panig ng Panginoon, at dapat na mamukod-tangi ang kanilang buhay sa malinaw na pagkakaiba sa buhay ng mga makasanlibutan. Darating sa kanila ang manunukso na taglay ang kanyang mga paghikayat at suhol, na nagsasabing, “Ang lahat ng mga ito ay ibibigay ko sa iyo, kung ikaw ay magpapatirapa at sasamba sa akin.” Ngunit alam nila na wala siyang bagay na karapat-dapat tanggapin, at tumatanggi silang magpadala sa kanyang mga tukso. Sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, napananatili nila ang kanilang kadalisayan ng prinsipyo. Nasa kanilang tabi ang mga banal na anghel, at nahahayag si Cristo sa kanilang matibay na pagsunod sa katotohanan. KDB 181.4
Sila'y mga tauhan ni Cristo, na nagdadala, bilang mga totoong saksi, ng desididong patotoo na nasa panig ng katotohanan. Ipinakikita nila na may kapangyarihang espirituwal na makapagbibigay lakas sa mga lalaki at babae na huwag lumiko ni isa mang pulgada mula sa katotohanan at katarungan para sa lahat ng mga kaloob na maaaring ibigay ng mga tao. Pararangalan ng kalangitan ang mga ganito, saan man sila naroroon, dahil namuhay silang naaayon sa kalooban ng Diyos, na hindi isinasaalang-alang ang anumang sakripisyo na tinatawagan silang gawin.— Testimonies for the Church, vol. 9, pp. 23, 24. KDB 181.5
Dapat na magkaroon ng katatagang moral ang mga tao, isang katapatang hindi malilinlang, masusuhulan, o matatakot.— Ibid., vol. 5, p. 297. KDB 181.6