Kapiling ang Diyos sa Bukang-liwaywa

173/376

Tinapay Mula sa Langit ang Salita ng Diyos, Hunyo 16

Kung paanong ang buhay na Ama ay nagsugo sa akin at ako'y nabubuhay dahit sa Ama, gayundin ang kumakain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. Ito ang tinapay na bumabang galing sa langit, hindi gaya ng tinapay na kinain ng inyong mga ninuno at sila'y namatay. Ang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman. Juan 6:57, 58. KDB 178.1

Dapat na maitali ang ating buhay sa buhay ni Cristo; tayo'y dapat na palaging kumukuha mula sa Kanya, nakikibahagi sa Kanya, ang buhay na tinapay na bumaba mula sa langit, na kumukuha mula sa bukal na palaging sariwa, ay palaging nagbibigay ng masaganang mga kayamanan. Kung pananatilihin natin ang Panginoon sa ating harapan, na pinahihintulutan ang ating mga puso na humayo sa pasasalamat at pagpupuri sa Kanya, magkakaroon tayo ng tuloy-tuloy na kasariwaan sa ating relihiyosong buhay. KDB 178.2

Ang ating mga panalangin ay magiging pakikipag-usap sa Diyos, na gaya ng pakikipag-usap natin sa isang kaibigan. Personal Niyang bibigkasin sa atin ang Kanyang mga hiwaga. Madalas na may darating sa atin na matamis at masayang pagkadama ng presensya ni Jesus. Madalas na magniningas ang ating mga puso habang lumalapit Siya upang makipag-ugnayan sa atin kagaya ng Kanyang ginawa kay Enoc. . . . Sa kanilang nagtataglay nito, ipahahayag ng relihiyon ni Cristo ang sarili nito bilang prinsipyong nagbibigay-sigla at lumalaganap, isang espirituwal na kalakasang nabubuhay at gumagawa. Makikita ang kasariwaan at kapangyarihan at kasiyahan ng nagpapatuloy na kabataan. KDB 178.3

Hindi isang tipunang-tubig na naglalaho ang pusong tumatanggap sa Salita ng Diyos, hindi tulad ng basag na sisidlan na nawawala ang kanyang kayamanan. Ito'y katulad ng batis sa kabundukan na dinadaluyan ng mga bukal na hindi natutuyo, na ang lamig, kumikinang na tubig nito'y lumulukso sa mga batuhan, nagbibigay ginhawa sa napapagal, sa nauuhaw, sa nabibigatan.— Christ’s object Lessons, pp. 129, 130. KDB 178.4

Dapat na naghahanda ang mga Cristiano para sa darating sa sanlibutan na isang pangyayaring lubhang nakagugulat, at dapat gawin ang paghahandang ito sa pamamagitan ng masikap na pag-aaral ng salita ng Diyos.— Prophets and Kings, p. 626. KDB 178.5