Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan

141/366

Pinamamahalaan ang Ministeryo ng Paglalathala, Mayo 20

At ang mga bansa ay paroroon sa iyong liwanag, at ang mga hari sa ningning ng iyong pagsikat. Isaias 60:3. TKK 150.1

Itinayo ang ating mga palimbagan upang gampanan ang isang gawain para sa Panginoon, upang magpadala ng makalangit na kaliwanagan sa lahat ng bahagi ng sanlibutan, upang magdala ng mga mahahalagang kaluluwa sa kawan. Hayaang ang tanggapan ng palimbagan ay maging isang plantang misyonero upang gampanan ang gawain para sa Panginoon sa paghikayat ng mga kaluluwa. Gumawa, at magbantay, at manalangin para sa mga kaluluwa na tulad nilang kailangang magsulit. Sa taong ito, subukan ang inireseta ng Diyos na lunas para sa kasamaan. Hayaang gawin ng bawat tao ang hinihingi ng Diyos na kanyang gawin, na tumitingin kay Jesus, na Siyang may-ari ng bawat kaluluwa. TKK 150.2

Alalahanin ng mga manggagawa na may bahagi sa institusyong ito na tinatawagan sila ng Diyos na maging samahan ng mga manggagawang Kristiyano, isang panoorin sa sanlibutan, sa mga anghel, at sa mga tao. Hayaang magtipon ang mga maliliit na grupo sa gabi o sa umaga upang mag- aral ng Biblia para sa kanilang sarili. Itulot na magkaroon sila ng panahon para sa panalangin upang sila'y mapalakas at maliwanagan at mapabanal ng Banal na Espiritu. Ito'y gawain na nais ni Cristong magampanan sa puso ng bawat isa na sangkot sa anumang departamento ng gawain ng paglalathala. Kung gagawin ninyo ito, malaking pagpapala ang darating sa inyo mula sa Kanya na nagbigay ng Kanyang buong buhay sa paglilingkod, siyang tumubos sa inyo sa pamamagitan ng sarili Niyang buhay. TKK 150.3

Kailangang magkaroon kayo ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, kung hindi'y hindi kayo magiging mananagumpay. Anong mga patotoo ang kailangan ninyong taglayin tungkol sa nagmamahal na pakikitungo na nagawa ninyo sa inyong mga kamanggagawa sa mga mahahalagang panahon kung kailan kayo'y naghahanap ng pagpapala ng Diyos. Itulot na sabihin ng bawat isa ang kanyang karanasan sa mga payak na pananalita. Magdadala ito ng higit na kaaliwan at kasiyahan sa kaluluwa kaysa sa lahat ng mabubuting mga instrumento ng awit na mailalabas sa Tabernakulo. Itulot na pumasok si Cristo sa inyong mga puso. TKK 150.4

Ang gawain ng bawat mananampalataya ay agresibo. Ito'y pang-araw-araw na pakikidigma. Sinasabi ni Cristo sa mga tagapamahala at manggagawa sa tanggapan, “Kayo'y Aking mga saksi” (Isaias 43:10). Isipin ninyo ito; bigkasin ninyo ito; kumilos kayo nang ganito. Nasa katabing bahay lamang ang langit. Buksan ninyo ang pintuan tungo sa langit at isara ang pinto tungo sa lupa. Tumatawag ang Diyos ng mga manggagawa sa bawat departamento ng tanggapan. Pakikinggan ba ninyo ang Kanyang tinig at bubuksan ang pintuan ng puso para kay Jesus? Mamahalin ba ninyo Siya na nagbigay ng Kanyang buhay para sa inyo?— MANUSCRIPT RELEASES, vol. 12, pp. 46, 47. TKK 150.5