Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan

255/366

Solomon, Setyembre 11

“Ngayon, O PANGINOON kong Diyos, iyong ginawang hari ang iyong lingkod na kahalili ni David na aking ama; bagaman ako'y isang musmos lamang; hindi ko nalalaman ang paglabas at pagpasok. At ang iyong lingkod ay nasa gitna ng iyong bayan na iyong pinili, isang malaking bayan na hindi mabibilang o matuturingan dahil sa karamihan. Bigyan mo ang iyong lingkod ng isang mapag- unawang isipan upang pamahalaan ang iyong bayan, upang aking makilala ang mabuti at ang masama; sapagkat sino ang makakapamahala dito sa iyong malaking bayan ?’ 1 Mga Hari 3:7-9. TKK 268.1

Tunay na naparangalan ang pangalan ni Jehova sa unang bahagi ng paghahari ni Solomon. Ang karunungan at katuwirang ipinakita ng hari ay naging saksi sa lahat ng mga bansa ng kagalingan ng Diyos na kanyang pinaglilingkuran. Sa isang panahon naging tanglaw sa sanlibutan ang Israel, na naghahayag ng kadakilaan ng Jehova. Datapwat hindi sa di-mapapantayang karunungan, o sa lawak ng abot ng kapangyarihan at katanyagan naroon ang tunay na kaluwalhatian ni Solomon; kundi sa karangalang naibigay niya sa pangalan ng Diyos ng Israel sa matalinong paggamit ng mga kaloob ng langit. TKK 268.2

Sa paglakad ng mga taon ay nadagdagan pa ang katanyagan ni Solomon at higit pang sinikap niyang maparangalan ang Diyos sa pagpapalawak ng kanyang kalakasang mental at espiritwal, at sa pagbabahagi sa iba ng mga pagpapalang natatamo. Walang hihigit sa kanya sa pang-unawang sa kaluguran lamang ni Jehova dumarating sa kanya ang kapangyarihan at pagkaunawa, at ang mga kaloob na ito ay ibinigay upang maibigay naman sa mundo ang kaalaman ng Hari ng mga hari. TKK 268.3

Nagkaroon ng tanging interes si Solomon sa kalikasan, ngunit ang pagsasaliksik niya ay hindi lamang sa sangay na ito ng pag-aaral. Sa masikap na pag-aaral ng lahat ng bagay na nilalang, may buhay at wala, nakuha niya ang malinaw na isipan tungkol sa Manlalalang. Sa mga puwersa ng kalikasan, sa daigdig ng mga mineral at hayop, sa bawat puno at halaman at bulaklak, nakita niya ang pagpapahayag ng karunungan ng Diyos; at habang hinangad niyang matuto pa, ang pagkakilala niya sa Diyos at sa Kanyang pag-ibig ay patuloy na lumago.—P ROPHETS AND KINGS, pp. 32, 33 . TKK 268.4