Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan

252/366

Gideon, Setyembre 8

At bumaling sa kanya ang PANGINOON, at sinabi, “Humayo ka sa kalakasan mong ito, at iligtas mo ang Israel sa kamay ng Midian, Hindi ba kita isinusugo?” Sinabi niya sa kanya, “Ngunit ginoo, paano ko maililigtas ang Israel? Ang aking angkan ang pinakamahina sa Manases, at ako ang pinakahamak sa sambahayan ng aking ama,” Sinabi ng PANGINOON sa kanya, “Subalit ako'y makakasama mo at iyong ibubuwal ang mga Midianita, bawat isa sa kanila” Mga Hukom 6:14-16, TKK 265.1

Lahat ng mga kahanga-hangang ginawa ng Diyos para sa Kanyang bayan ay ginawa sa pinakakaraniwang mga pamamaraan. Nang ang bayan ng Diyos ay lubos na napasasakop sa Kanya, sa gayon ay Kanyang gagamitin sila para isulong ang Kanyang gawain sa sanlibutan. Ngunit dapat nating alalahanin na anumang tagumpay ang dumating sa atin, ang kaluwalhatian at karangalan ay sa Diyos; sapagkat lahat ng kakayahan at lahat ng kapangyarihan ay kaloob mula sa Kanya. TKK 265.2

Susubukin ng Diyos, hanggang sa sukdulan, ang pananampalataya at tapang nilang mga pinagkatiwalaan Niya ng mga responsibilidad sa Kanyang gawain. Ang panlabas na anyo ay madalas na nakatatakot. Bagamat nagbigay ang Diyos ng paulit-ulit na kasiguruhan ng Kanyang tulong, gayunman ang pananampalataya ay halos maitumba. Ang “sinabi ng Panginoon” ang dapat nating maging matibay na sandigan, hiwalay sa mga karunungan ng tao, o maliwanag na hindi ikapangyayari. TKK 265.3

Ang karanasan ni Gideon at ng kanyang mga sundalo ay idinisenyo para magbigay aral ng kasimplihan ng pananampalataya. Ang tagapangunang pinili ng Diyos ay walang mataas na posisyon sa Israel. Siya ay hindi pinuno, isang Levita, o isang saserdote. Iniisip niya ang kanyang sarili na pinakahamak sa tahanan ng kanyang ama. Sa karunungan ng tao ay hindi siya pipiliin; ngunit nakita ng Diyos kay Gideon ang isang taong may integridad at katapangan sa tama. Wala siyang tiwala sa sarili, at handang makinig sa pagtuturo ng Diyos, at isagawa ang Kanyang mga layunin. TKK 265.4

Hindi nakadepende ang Panginoon sa mga taong may matataas na posisyon, o may dakilang kaisipan, o malawak na karunungan. Ang gayong mga tao ay madalas na mapagmalaki at hindi nangangailangan ng tulong. Pakiramdam nila sa kanilang sarili na may kakayahan silang gumawa at magsakatuparan ng mga panukala na walang payo ng Diyos. Kanilang inihihiwalay ang kanilang sarili mula sa Tunay na Puno ng ubas, at sa gayon ay nagiging tuyot at walang bunga, gaya ng naputol na mga sanga. TKK 265.5

Ilalagay ng Panginoon sa kahihiyan ang mga taong nagyayabang. Magbibigay Siya ng tagumpay sa pinakamahinang mga pagsisikap, at mga paraang walang aasahan, kung hinirang ng Diyos, at ginawang may kapakumbabaan at pagtitiwala.— Signs OF THE TIMES, June 30,1881. TKK 265.6