Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan

250/366

Josue, Setyembre 6

“Walang sinumang tao ang magtatagumpay laban sa iyo sa lahat ng mga araw ng iyong buhay; kung paanong ako'y nakasama ni Moises, ako'y makakasama mo rin. Hindi kita iiwan ni pababayaan man” Josue 1:5. TKK 263.1

Pagkatapos ng kamatayan ni Moises, itinalaga si Josue bilang tagapanguna ng Israel para dalhin sila sa Lupang Pangako. Siya'y talagang karapatdapat para sa mahalagang tungkuling ito. Siya'y naging pangunahing lingkod ni Moises nang malaking bahagi ng panahon nang naliligaw sa ilang ang Israel. Nakita niya ang mga kahanga-hangang ginawa ng Diyos na isinagawa ni Moises at nauunawaang malinaw ang kalagayan ng bayan. Isa siya sa labindalawang mga espiya na sinugo upang magsuri sa Lupang Pangako, at isa sa dalawang nagbigay ng tapat na ulat tungkol sa kayamanan nito, at nagpalakas ng loob ng mga tao na humayo at angkinin ito sa kalakasan ng Diyos. TKK 263.2

Nangako ang Panginoon kay Josue na sasamahan Niya siya kung paanong sinamahan Niya si Moises, at gagawin Niyang madali ang pagsakop sa Canaan para sa kanya, basta't magiging tapat siya sa pagsunod sa lahat Niyang mga kautusan. Balisa si Josue tungkol sa pagsasagawa ng utos sa kanyang pangunahan ang bayan tungo sa lupain ng Canaan; ngunit inalis ng kasiguruhang ito ang kanyang mga pangamba. Kanyang inutusan ang bayang Israel na maghanda para sa tatlong araw na paglalakbay at lahat ng mga mandirigma na maghanda sa pakikipaglaban. TKK 263.3

“At sila'y sumagot kay Josue, na sinasabi, ‘Lahat ng iyong iniutos sa amin ay aming gagawin, at saan mo man kami suguin ay pupunta kami. Kung paanong pinakinggan namin si Moises sa lahat ng mga bagay, ay gayon ka namin papakinggan. Sumaiyo nawa ang PANGINOON mong Diyos na gaya kay Moises. Sinumang maghihimagsik laban sa iyong utos, at hindi makikinig sa iniuutos sa kanya ay ipapapatay; magpakalakas ka lamang at magpakatapang na mabuti’” (Josue 1:16-18). TKK 263.4

Niloob ng Diyos na maging mahimala ang pagpasok ng Israel sa Jordan. Inutusan ni Josue ang bayan na pabanalin ang sarili nila, sapagkat kinabukasan ay gagawa ng mga himala ang Panginoon sa kalagitnaan nila. Sa itinakdang panahon, inutusan niya ang mga saserdote na buhatin ang arka na naglalaman ng kautusan ng Diyos at pasinin ito sa unahan ng mga tao. “At sinabi ng PANGiNooN kay Josue, ‘Sa araw na ito ay pasisimulan kong gawing dakila ka sa paningin ng buong Israel, upang kanilang makilala na kung paanong ako'y kasama ni Moises ay gayon ako sa iyo’” (Josue 3:7).— TESTIMONIES FOR THE cHURCH, vol. 4, pp. 156,157 . TKK 263.5