Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan
Mga Kabataang Pinagkalooban Para Maging Buhay na Daluyan, Hulyo 22
Huwag mong hayaang hamakin ng sinuman ang iyong kabataan; kundi ikaw ay maging halimbawa ng mga mananampalataya sa pananalita, pag-uugali, pag-ibig, pananampalataya, at sa kalinisan. Hanggang sa dumating ako, bigyang-pansin mo ang hayagang pagbabasa ng kasulatan, ang pangangaral, at ang pagtuturo. Huwag mong pabayaan ang kaloob na sa iyo'y ibinigay sa pamamagitan ng propesiya, na may pagpapatong ng mga kamay ng kapulungan ng matatanda. 1 Timoteo 4:12-14. TKK 215.1
Dapat ituring ng bawat kabataan ang sarili na may halaga sa Diyos, dahil pinagkatiwalaan siya ng pinakadakilang mga kaloob na maibibigay. Isang pribilehiyo na maging buhay na daluyan, kung paanong ang Diyos ay makikipag-usap ang kayamanan ng Kanyang biyaya, ang di masiyasat na kayamanan kay Cristo. TKK 215.2
Ang ating mga kasalanan ay maaaring mga bundok sa ating harapan, ngunit kung magpapakumbaba ang ating mga puso na nagpapahayag ng mga ito, na nagtitiwala sa mga katangian ng napako at nabuhay na Tagapagligtas, mapapatawad tayo, at malilinis mula sa lahat ng karumihan. Ang lalim ng pag-ibig ng Tagapagligtas ay nahayag sa ating kaligtasan. Kung ating tatanggapin ang kaligtasang ito, ang ating magiging patotoo ay “Mayroon tayong katubusan sa pamamagitan ng kanyang dugo” (Efeso 1:7). Ang kautusan ng Espiritu ng buhay kay Cristo Jesus ay ginawa tayong malaya sa kautusan ng kasalanan at kamatayan. Higit pa tayo sa mananagumpay sa pamamagitan Niyang sa atin ay umibig, at nagbigay ng Kanyang sarili para sa atin. TKK 215.3
Dapat nating gamitin ang ating mga talento dito, sa sanlibutang ito mismo. Dapat nating akayin ang mga kaluluwa sa “Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan” (Juan 1:29). Gawain natin ito, at maging kasiyahan natin na ipakita sa ating mga buhay ang di masiyasat na kayamanan ni Cristo. Makagagawa tayo ng araw-araw na pag-unlad sa daan ng kabanalan, at patuloy pa rin na makatatagpo ng higit na mataas na aabutin; ngunit sa bawat paglaki ng espiritwal na mga kalamnan, ang bawat paghihirap ng puso at utak, ay magbibigay liwanag sa kasaganaan ng panustos na biyaya na mahalaga para sa atin sa ating pag-usad. Habang ating higit na pinag-iisipan ang mga bagay na walang hanggan, ay higit pa nating ihahayag ang laki ng sakripisyo ng Tagapagligtas, ang pag-iingat ng Kanyang katuwiran, at ang kasakdalan ng Kanyang karunungan, at ang Kanyang kapangyarihan na ipakita sa ating harapan ang Ama na walang dungis, o kulubot, o anumang gayong bagay.— THE YOUTH’S INSTRUCTOR, November 30,1899 . TKK 215.4