Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan
Ipinangangaral si Cristo: Higit na Mahalaga sa mga Wika at mga Himala, Hulyo 16
Ano kung gayon, mga kapatid? Kapag kayo'y nagkakatipon, bawat isa ay may isang awit, isang aral, isang pahayag, isang wika, isang pagpapaliwanag, Gawin ninyo ang lahat ng mga bagay para sa pagpapatibay, 1 Corinto 14:26, TKK 209.1
May isang napakalaking gawain sa sa ating mundo na dapat isakatuparan. Ang mga lalaki at babae ay dapat mabago, hindi sa pamamagitan ng iba't ibang mga wika o sa paggawa ng mga himala, kundi sa pamamagitan ng pangangaral tungkol kay Cristo na napako. Bakit kailangang ipagpaliban ang pagsisikap na gawing mas maayos ang sanlibutan? Bakit kailangang maghintay na mangyari ang ilang mga kamangha-manghang bagay, na magkaroon ng mga mamahaling kagamitan? Gaano man kahamak ang iyong katayuan, gaano man kababa ang iyong gawain, kung gumagawa kang sang-ayon sa mga aral ng Tagapagligtas, ihahayag Niya ang Kanyang sarili sa pamamagitan mo, at aakay ang iyong impluwensiya sa mga kaluluwa palapit sa Kanya. Pangangarangalan Niya ang mga mahihina at mga mababa, na taimtim na nagsisikap na makapaglingkod para sa Kanya. Sa lahat nating ginagawa, maging gawain natin sa pagawaan, sa bukid, o sa opisina , kailangang magsikap tayo na magligtas ng mga kaluluwa. TKK 209.2
Kailangang magtanim tayo sa mga gilid ng tubig, na ang ating kaluluwa'y nananatili sa pag-ibig ng Diyos, gumagawa habang araw, na ginagamit ang mga ipinagkatiwala sa atin sa paglilingkod sa Panginoon. Anumang matagpuan ng ating mga kamay, kailangang gawin natin ito nang may kasiyahan. Habang tayo'y nagtatanim sa gilid ng mga tubig, ating mauunawaan ang katotohanan ng mga salitang “Ang naghahasik nang bahagya ay mag-aani rin nang bahagya, at ang naghahasik nang sagana ay mag-aani rin nang sagana” (2 Corinto 9:6). TKK 209.3
Utang natin ang lahat sa biyaya, pinakamakapangyarihang biyaya. Nilagdaan ng biyaya ang ating katubusan, ang ating pagbabagong-buhay, at ang pagka- ampon natin bilang tagapagmana kasama ni Jesu-Cristo. Hayaang mahayag sa iba ang biyayang ito. TKK 209.4
Kinukuha ng Tagapagligtas ang mga masusumpungan Niyang mahuhubog, at ginagamit sila para sa Kanyang kaluwalhatian. Gumagamit Siya ng mga kagamitang nilalagpasan ng iba, at gumagawa sa kanilang lahat na nagpapasakop ng kanilang sarili sa Kanya. Nagagalak Siyang kunin ang para bagang walang pag-asang kagamitan, iyong mga ibinaba ni Satanas, na sa pamamagitan nila ay gumawa siya, at ngayon ay ginawa silang sakop ng Kanyang biyaya.— REVIEW AND HERALD, January 5,1905. TKK 209.5