Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan

182/366

Panalangin Para sa Pagbubuhos ng Espiritu, Hunyo 30

“Kung paanong Ako'y lyong sinugo sa sanlibutan, sila ay sinugo Ko rin sa sanlibutan. At dahil sa kanila'y pinabanal Ko ang Aking sarili, upang sila naman ay pabanalin sa katotohanan. Gayunma'y hindi lamang sila ang idinadalangin Ko, kundi sila rin naman na mga sumasampalataya sa Akin sa pamamagitan ng kanilang salita,” Juan 17:18-20. TKK 192.1

Aking Ama sa langit, lumalapit ako sa Iyo ngayon, kung ano ako, aba at nangangailangan, at umaasa sa Iyo. Ibigay Mo sa akin at bigyan Mo ang abang ito ng biyaya na nagpapasakdal ng Kristiyanong karakter. Mahahabag Ka ba sa bayang ito? Itulot Mong magningning sa mga silid ng pag-iisip ang Iyong liwanag, at sa templo ng kaluluwa. Aking Tagapagligtas, ibinigay Mo ang Iyong buhay upang bilhin ang Iyong mana, na, bilang mga mananagumpay, sila'y makapasok sa kaharian ng Diyos, kung saan hindi na sila lalabas magpakailanman. Pagpalain Mo silang nagpakita ng kanilang pagnanasang maglingkod sa Iyo. Ilagay Mo ang Iyong Espiritu sa kanila. TKK 192.2

Humihiling ako sa Iyo, Ama sa langit, na itulot Mong dumating ang Iyong Banal na Espiritu sa bayang ito. Nawa'y mailahad ang Iyong Banal na Espiritu, at tulungan Mo silang makita ang gawain na kailangang magampanan para sa kanilang mga kapwa, at para sa mga kaluluwang nangamamatay sa kanilang paligid. O, gisingin Mo sila sa kanilang mga pananagutan! Nawa'y mahugasan nila ang kanilang mga kasuotan ng karakter, at gawin silang maputi sa dugo ng Kordero. Papalibutan Mo ba sila ng Iyong mga bisig ng kahabagan? Magsumamo sa kanila sa pamamagitan ng Iyong Banal na Espiritu, upang subukan nilang magningning sa kanila na hindi nakakilala sa katotohanan. Isaayos Mo ang iyong iglesya, O Panginoon, upang sila'y gumawa para sa mga kaluluwa. TKK 192.3

Aking Tagapagligtas, ilahad Mo ang Iyong sarili sa Iyong bayan. Nawa'y maipahayag ang Iyong pagmamahal. O, itulot Mo itong mailahad! Hawakan Mo ang Iyong bayan, upang hindi magawa ni Satanas ang kanyang kalooban sa kanila. Tulungan Mo silang sumulong sa harap ng lahat ng pagsalungat, upang sa wakas ay maibaba nila ang kanilang mga putong sa paanan ni Jesus sa lunsod ng Diyos; at tatanggap ng lahat ng kaluwalhatian ang Iyong pangalan. Amen.— REVIEW AND HERALD, July 16,1908. TKK 192.4