Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan
Tinawagan ang Lahat ng mga Kaanib na Maging mga Misyonero, Hunyo 11
Ngunit kayo'y isang lahing pinili, isang maharlikang pagkapari, isang bansang banal, sambayanang pag-aari ng Diyos, upang inyong ipahayag ang mga makapangyarihang gawa Niya na tumawag sa inyo mula sa kadiliman, tungo sa Kanyang kagila-gilalas na liwanag, 1 Pedro 2:9, TKK 173.1
Inaarmasan ng Banal na Espiritu, na kinatawan ni Cristo, ang pinakamahina ng kalakasan upang sumulong tungo sa tagumpay. Isinaayos ng Diyos ang Kanyang mga ginagamit na instrumento upang akitin ang mga tao tungo sa Kanya. Ipinapadala Niya sa Kanyang gawain ang maraming hindi naitalaga sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay. Sinasagot Niya ang mga pagtutol na babangon laban sa pamamaraang ito ng paggawa, bago pa man sila magbangon. Nakikita ng Diyos ang kawakasan mula sa simula. Alam Niya at inaasahan ang bawat pangangailangan, at naglalaan para sa bawat kagipitan. Kung ang mga mahihinang mga tao na Kanyang pinagkakatiwalaan ng Kanyang gawain ay hindi hahadlangan ang landas, magpapadala ang Diyos ng mga manggagawa sa Kanyang ubasan. TKK 173.2
Sinasabi Niya sa bawat kaluluwang nahikayat: “Humayo kayo sa buong sanlibutan, at inyong ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng nilikha” (Marcos 16:15). Hindi kinakailangan na umupo muna ang Panginoon sa mga konsilyo ng mambabatas sa lupa at magtanong sa kanilang nag-iisip na sila dapat ang nagpapanukala para sa Kanyang gawain, “Pahihintulutan ba ninyo na ang mga lalaking pinili Ko ay makipag-kaisa sa inyo sa paggawa sa ilang bahagi ng Aking moral na ubasan?” Nakatayo si Cristo nang ilang hakbang lamang ang layo mula sa Kanyang makalangit na trono noong ibinigay Niya ang Kanyang tagubilin sa Kanyang mga alagad, at isinama bilang mga misyonero ang lahat ng mananampalataya sa Kanyang pangalan. TKK 173.3
Ninanais ni Jesus na maalala ang Kanyang mga utos ng bawat ministro na Kanyang pinagbigyan ng banal na pagtitiwala, na isipin ang kalawakan ng Kanyang gawain, at ilagay ang obligasyon ng pangangaral ng ebanghelyo sa sanlibutan sa malaking bilang na nagmamay-ari nito. “Ganyan ang nasusulat, na kailangang magdusa ang Cristo at muling mabuhay mula sa mga patay sa ikatlong araw; at ipangaral ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan sa Kanyang pangalan sa lahat ng mga bansa, mula sa Jerusalem” (Lucas 24:46, 47). Sasama ang kapangyarihan ng Diyos sa kanilang magpapahayag ng ebanghelyo. Kung silang nag-aangkin na nagtataglay sila ng nabubuhay na karanasan sa mga bagay ng Diyos ay ginampanan ang kanilang tungkulin sang-ayon sa ipinanukala ng Diyos, mabibigyang babala sana ang buong mundo, at dumating na ang Panginoong Jesus sa ating sanlibutan na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.— THE HOME MISSIONARY, August 1,1896 . TKK 173.4