Tatanggap Kayo Ng Kapangyarihan
Hindi Karapat-dapat Ngunit Magagamit, Hunyo 10
Kundi pinili ng Diyos ang mga bagay na kahangalan sa sanlibutan upang Kanyang hiyain ang matatalino. Pinili ng Diyos ang mga bagay na mahihina sa sanlibutan upang Kanyang hiyain ang malalakas. Pinili ng Diyos ang mga bagay na mababa at hinahamak sa sanlibutan, maging ang mga bagay na walang halaga upang pawalang-saysay ang mga bagay na mahahalaga, upang walang sinuman ang magmalaki sa harapan ng Diyos. 1 Corinto 1:27-29. TKK 172.1
Kung mayroon tayong natatanging pagkakabatid sa kahalagahan at kadakilaan ng ating gawain, at makikita ang ating mga sarili kung ano talaga tayo sa kapanahunang ito, dapat ay mapuno tayo ng pagkamangha na magagamit pa rin tayo ng Diyos, sa ating kalagayang hindi katanggap-tanggap, sa gawain ng pagdadala ng kaluluwa sa katotohanan. Marami ang kailangan nating maunawaan na hindi natin nababatid dahil nahuhuli tayo sa ating mga pagkakataon. TKK 172.2
Sinabi ni Cristo sa Kanyang mga alagad, “Mayroon pa Akong maraming bagay na sasabihin sa inyo, ngunit hindi ninyo kayang dalhin sa ngayon” (Juan 16:12). Ito ang ating kalagayan. Hindi ba nila maiintindihan ang sasabihin Niya sa kanila, kung ginagampanan nila ang Kanyang salita—kung pinagbuti nila ang bawat punto ng katotohanang Kanyang inilahad sa kanila? Ngunit kahit hindi sila makakaunawa, sinabi Niyang Kanyang ipapadala ang Mang-aaliw, na dadalhin sila sa buong katotohanan. Dapat tayong mapunta sa katayuang mauunawaan natin ang turo, pangunguna, at gawain ng Espiritu ni Cristo. Hindi natin dapat na sukatin ang Diyos o ang Kanyang katotohanan sa pamamagitan ng ating mahinang pang-unawa, o sa pamamagitan ng ating mga haka-haka. TKK 172.3
Marami ang hindi nakakabatid kung saan sila nakatayo; sapagkat sila'y espiritwal na nabubulagan. “Siyasatin ninyo ang inyong mga sarili kung kayo'y nasa pananampalataya; subukin ninyo ang inyong mga sarili. Hindi ba ninyo nalalaman na si Jesu-Cristo ay nasa inyo? malibang kayo'y nabigo sa pagsubok” (2 Corinto 13:5). TKK 172.4
Nagtitiwala ako na wala sa atin ang matatagpuang napakasamang tao. Nananahan ba si Cristo sa inyong puso sa pamamagitan ng pananampalataya? Nasa inyo ba ang Kanyang Espiritu? Kung gayon nga, magkakaroon ng pagnanasa sa inyong kaluluwa para sa kaligtasan nilang pinagbuwisan ni Cristo ng Kanyang buhay, na mawawala ang sarili sa kawalang-kabuluhan, at tanging si Cristo ang maitataas.... TKK 172.5
Silang nag-aangkin na kaisa kay Cristo ay dapat na maging mga manggagawang kasama ng Diyos. Dapat na balaan ng bayan ng Diyos ang sanlibutan, at maghanda ng bayang tatayo sa araw ng kagalitan kung kailan darating sa mga ulap ng kalangitan ang Anak ng tao. Dapat na tipunin ng mga kaanib ng iglesya ang mga banal na sinag ng liwanag mula kay Jesus, at isalamin ito sa iba, na nag-iiwan ng isang maliwanag na landas sa mundo patungo sa langit.— REVIEWAND HERALD, October 8,1889 . TKK 172.6