Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Sa Pagpapakita ng mga Pangmagulang na Katangian ng Diyos, 12 Mayo
Kung paanong ang ama ay nahahabag sa mga anak niya, gayon nahahabag ang Panginoon sa mga natatakot sa kanya. Awit 103:13. LBD 137.1
Sa lahat ng mabiyayang gawang ginawa ni Jesus, sinikap Niyang itatak sa mga tao ang pangmagulang at mapagbiyayang mga katangian ng Diyos. Sa lahat ng Kanyang mga aral, sinisikap Niyang ituro sa mga tao ang kamangha-manghang katotohanang “gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa kanya’y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” Gusto ni Jesus na maunawaan natin ang pag-ibig ng Ama, at nais Niyang maibalik tayo sa Kanya sa paghahayag ng Kanyang biyaya bilang magulang. Gusto Niyang mapuno ang buong larangan ng ating pananaw ng kasakdalan ng karakter ng Diyos. Sa Kanyang panalangin para sa Kanyang mga alagad ay sinabi Niya, “Niluwalhati kita sa lupa, sa pagtatapos ko ng gawaing ibinigay mo sa akin. Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan.” LBD 137.2
Dumating si Jesus sa mundo upang ilarawan ang karakter ng Diyos sa Kanyang sariling buhay, at Kanyang inalis ang mga kasinungalingang nagmula kay Satanas, at inihayag ang kaluwalhatian ng Diyos. Sa pamamagitan lamang ng pamumuhay kasama ng mga tao na maaari Niyang ihayag ang awa, habag, at pagmamahal ng Kanyang Ama na nasa langit; sapagkat tanging sa mga gawa ng kabutihang-loob lamang Niya maihahayag ang biyaya ng Diyos. Malalim ang pagkakabaon ng kawalan ng pananampalataya ng mga tao, ngunit hindi nila matanggihan ang patotoo ng Kanyang maka-Diyos na halimbawa, at ang Kanyang mga gawa ng pagmamahal at katotohanan.— The Youth’s Instructor, December 15, 1892. LBD 137.3
Nagsasalita sa bawat kaluluwa ang mga kayamanan ng kabutihan ng Diyos, nagpapatunay sa patotoo ni Cristo tungkol sa kataas-taasang kabutihan ng Kanyang Ama. Gusto ng Panginoon na kilalanin ng Kanyang bayan na ang mga pagpapalang ipinagkaloob sa kahit anong nilikhang bagay ay proporsyonal sa lugar na kinalalagyan ng bagay na ito ayon sa laki ng paglikha. Kung kahit ang nais ng mga piping hayop ay ibinibigay, maaari ba nating pahalagahan ang mga pagpapalang ibinibigay ng Diyos sa mga nilalang na nabuo ayon sa Kanyang larawan?— The General Conference Bulletin, October 1, 1899. LBD 137.4
Ang Diyos ay pag-ibig, at nagmamalasakit Siya sa atin. “Kung paanong ang ama ay nahahabag sa mga anak niya, gayon nahahabag ang Panginoon sa mga natatakot sa kanya.”— The Youth’s Instructor, December 14, 1893. LBD 137.5