Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos

133/367

Sa Pagiging Ilaw ng Mundo, 11 Mayo

Muling nagsalita sa kanila si Jesus, Ako ang ilaw ng sanlibutan. Ang sumusunod sa akin ay hindi kailan man lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay. Juan 8:12. LBD 136.1

Isang umaga iyon; kasisikat pa lamang ng araw sa Bundok ng mga Olibo, at ang mga sinag nitong may nakasisilaw na liwanag ay bumalot sa mga palasyong marmol, at naliwanagan ang ginto ng mga dingding ng templo, nang ituro ito ni Jesus at sinabi, “Ako ang ilaw ng sanlibutan.” LBD 136.2

Sa pamamagitan ng isang nakinig sa mga salitang ito, matapos ang mahabang panahon ay muling naihayag ang mga ito sa napakagandang talata, “Nasa kanya ang buhay; ang buhay ay siyang ilaw ng mga tao.”— The Desire of Ages, pp. 463, 464. LBD 136.3

Iyong mga pinabanal sa katotohanan, ay tulad sa maliwanag at nagniningning na mga ilaw, na nagbibigay liwanag sa lahat ng nasa loob ng bahay. Mabubunyag sa bawat tunay na mananampalataya ang mga mabubuting gawa. Walang maaaring tanggapin ang Panginoon maliban sa kasakdalan ng karakter, at pagiging tapat sa Diyos. Ang walang-siglang serbisyo ay magpapatotoo sa harap ng mga makalangit na nilikha na nabigo kang tularan ang Huwaran.— The Youth’s Instructor, October 13, 1892. LBD 136.4

Dapat maging higit pa sa ilaw sa gitna ng mga tao ang mga tagasunod ni Cristo. Sila ang ilaw ng mundo. Sinabi ni Jesus sa lahat ng mga bumanggit sa Kanyang pangalan, Ibinigay ninyo ang inyong sarili sa Akin, at ibinigay Ko kayo sa mundo bilang Aking mga kinatawan. Kung paanong ipinadala Siya ng Ama sa sanlibutan, ay ipinahahayag Niya, “sila ay sinugo ko rin sa sanlibutan.” . . . Habang ang ating Tagapagligtas ang dakilang pinagmumulan ng liwanag, huwag kalimutan, O Cristiano, na nahayag Siya sa sangkatauhan. Ipinagkaloob ang mga pagpapala ng Diyos sa pamamagitan ng paglilingkod ng mga tao. . . . Naghihintay ang mga anghel ng kaluwalhatian na maihatid sa pamamagitan ninyo ang liwanag at kapangyarihan ng langit sa mga kaluluwang handang mamatay. . . . Kung naninirahan si Cristo sa puso, imposibleng maitago ang ilaw ng Kanyang presensya.— Thoughts From the Mount of Blessing, p. 66. LBD 136.5

Kapag dumadaan ang Ilaw ng mundo, lumilitaw ang mga pribilehiyo sa lahat ng kahirapan, kaayusan sa kaguluhan, ang tagumpay at karunungan ng Diyos sa inaakalang kabiguan.— Testimonies for the Church, vol. 7, p. 272. LBD 136.6

Ang mga kaloob ng ilaw at buhay ay magkasamang dumarating sa atin.— Letter 264, 1903. LBD 136.7