Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos

118/367

Natanggap Natin ang Kapuspusan ng Diyos, 26 Abril

At mula sa kanyang kapuspusan ay tumanggap tayong lahat, biyaya na sinundan pa ng ibang biyaya. Juan 1:16. LBD 121.1

Hinangad ni Cristo na iligtas ang mundo, hindi sa pagsang-ayon nito, kundi sa pamamagitan ng pagbubunyag sa mundo ng nakapagbabagong kapangyarihan ng biyaya ng Diyos upang hubugin at ayusin ang karakter ng tao ayon sa wangis ng karakter ni Cristo.—The Review and Herald, January 22, 1895. LBD 121.2

Ipinakilala ni Satanas ang Diyos na makasarili at mapang-api, na inangkin ang lahat, at walang ibinibigay na anuman, na inuutusang maglingkod ang Kanyang mga nilikha para sa Kanyang sariling kaluwalhatian, at hindi nagsakripisyo para sa kanilang kabutihan. Ngunit inihahayag ng kaloob ni Cristo ang puso ng Ama. . . . Idineklara nitong habang malakas ang pagkapoot ng Diyos sa kasalanan ay kasinlakas ng kamatayan, ang Kanyang pagmamahal sa makasalanan ay mas malakas kaysa kamatayan. Dahil sa isinagawa Niya ang ating pagtubos, wala Siyang hindi ibibigay, gaano man ito kamahal, na kailangan upang isakatuparan ang Kanyang gawain. Walang katotohanang kailangan sa ating kaligtasan ang ipinagkait, walang himala ng awa ang kinalimutan, walang banal na ahensya ang hindi ginamit. Ang pabor ay ipinatong sa ibabaw ng pabor, kaloob sa ibabaw ng kaloob. Bukas ang buong kayamanan ng langit sa mga ninais Niyang maligtas. Dahil sa tinipon Niya ang mga kayamanan ng sansinukob, at binuksan ang mga mapagkukunan ng walang-hangganang kapangyarihan, ibinibigay Niya ang lahat ng mga ito sa mga kamay ni Cristo, at sinasabi, Lahat ng ito ay para sa tao. Gamitin mo ang mga kaloob upang kumbinsihin siyang walang mas higit na pagmamahal pa kaysa Akin sa lupa o sa langit. Matatagpuan ang kanyang pinakadakilang kaligayahan sa pagmamahal sa Akin.— The Desire of Ages, p. 57. LBD 121.3

Pinahahalagahan ng Ama ang bawat kaluluwang binili ng Kanyang Anak sa pamamagitan ng kaloob na Kanyang buhay. Ginawa para sa atin ang bawat probisyon upang makatanggap tayo ng banal na kapangyarihang magbibigay sa atin ng tagumpay laban sa mga tukso. Sa pamamagitan ng pagsunod sa lahat ng mga hinihiling ng Diyos, mapangangalagaan ang kaluluwa tungo sa buhay na walang-hanggan.— General Conference Bulletin, October 1, 1899. LBD 121.4

Ang Diyos ay may langit na puno ng mga biyayang nais niyang ipagkaloob sa mga masigasig na humihingi ng tulong, na ang Panginoon lamang ang makapagbibigay.— The S.D.A. Bible Commentary, vol. 1, p. 1087. LBD 121.5