Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos

104/367

Kailangang Magbukod Tayo ng Oras Para Mag-isip ng Tungkol sa Diyos, 12 Abril

Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na Ako ang Diyos. Ako’y mamumuno sa mga bansa, Ako’y mamumuno sa lupa. Awit 46:10. LBD 107.1

Ang mga Cristiano ay dapat . . . linangin ang pagmamahal sa pagmumuni-muni, at mahalin ang diwa ng pananalangin. Maraming tila hindi nagugustuhan ang mga sandaling ginugol sa pagmumuni-muni, at ang pagsasaliksik ng Kasulatan, at panalangin, na tila nawala ang oras na ginugol. LBD 107.2

Nais ko sanang makita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito sa liwanag na nais ng Diyos sa inyo; sapagkat bunga nito ay bibigyan ninyo ng unang pagpapahalaga ang kaharian ng Langit. Ang pagpapanatili ng iyong puso sa Langit ang magbibigay ng kalakasan sa lahat ng mga ginigiliw mo, at magbibigay ng buhay sa lahat ng mga tungkulin mo. Ang pagdisiplina ng pag-iisip para mag-isip ng mga bagay sa kalangitan ay magbibigay ng buhay at pananabik sa lahat ng ating mga gawain.— The Review and Herald, March 29, 1870. LBD 107.3

Hayaang ang bawat taong nagnanais na makibahagi sa banal na likas ay pahalagahan ang katotohanang dapat siyang makatakas sa katiwaliang nasa mundo sa pamamagitan ng pagnanasa. Dapat ay may patuloy, at maalab na pakikibaka ng kaluluwa laban sa mga masasamang imahinasyon ng isipan. LBD 107.4

Dapat magkaroon ng matatag na pagtutol sa tuksong magkasala sa pag-iisip o pagkilos. Dapat ingatan ang kaluluwa mula sa bawat mantsa, sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanyang may kakayahang ilayo ka sa kasalanan. LBD 107.5

Dapat nating bulay-bulayin ang Kasulatan, mag-isip nang matino at tapat sa mga bagay na nauukol sa ating walang-hanggang kaligtasan. Ang walang katapusang awa at pag-ibig ni Jesus, ang sakripisyong ginawa para sa atin, ay humihiling ng pinakaseryoso at banal na pagmumuni-muni. Dapat nating pagisipan ang karakter ng ating mahal na Manunubos at Tagapamagitan. Dapat nating hangaring maunawaan ang kahulugan ng plano ng kaligtasan. Dapat nating pagbulay-bulayin ang misyon Niyang dumating upang mailigtas ang Kanyang bayan mula sa kanilang mga kasalanan. Sa pamamagitan ng patuloy na pag-iisip ng mga makalangit na tema, lalakas ang ating pananampalataya at pagmamahal. Ang ating mga panalangin ay magiging higit na katanggaptanggap sa Diyos, sapagkat ang mga ito ay magiging mas nakaugnay sa pananampalataya at pagmamahal. Ang mga ito ay magiging mas matalino at masigasig.— The Review and Herald, June 12, 1888. LBD 107.6

Kapag napuno ng ganito ang isip . . . ang mananampalataya kay Cristo ay makapagbibigay ng mabuting bagay mula sa kayamanan ng puso.— The Youth’s Instructor, June 7, 1894. LBD 107.7