Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Mabilis na Nagsasara ang Pintuan ng Awa, 14 Disyembre
Ang masama ay hayaang magpakasama pa at ang marumi ay hayaang magpakarumi pa, at ang matuwid ay hayaang maging matuwid pa, at ang banal ay hayaang magpakabanal pa. Apocalipsis 22:11. LBD 353.1
Lahat ng gustong manatili ang kanilang pangalan sa aklat ng buhay, ngayon, sa ilang natitirang araw ng kanilang palugit, ay dapat pagdalamhatiin ang kanilang kaluluwa sa harapan ng Diyos sa pamamagitan ng pagkalungkot sa kasalanan at tunay na pagsisisi. Kailangang magkaroon ng malalim at tapat na pagsisiyasat ng puso. Ang walang-kuwenta at di-seryosong espiritung pinagbibigyan ng napakaraming nagsasabing Cristiano ay dapat alisin. May maalab na labanan sa harap ng lahat ng gustong masupil ang masasamang hilig na nakikipagpunyaging maghari. Pang-isahang gawain ang gawain ng paghahanda. Hindi tayo naliligtas nang grupu-grupo. Hindi babalanse ang kalinisan at debosyon ng isang tao sa kakulangan ng mga katangiang ito sa isa pang tao. . . . Dapat masubok ang bawat isa, at masumpungang walang batik, o kulubot, o anumang gayong bagay. LBD 353.2
Taimtim ang mga tagpong may kaugnayan sa papatapos na gawain ng pagtubos. Napakahalaga ng mga kapakanang sangkot dito. Nangyayari na ngayon ang paghuhukom ay sa santuwaryo sa langit. . . . Sa kagila-gilalas na presensya ng Diyos ay dapat humarap sa pagsusuri ang ating mga buhay. . . . LBD 353.3
Kapag natapos na ang gawain ng sumisiyasat na paghuhukom, ang kahahantungan ng lahat ay napagpasyahan na para sa buhay o sa kamatayan. Sarado na ang pintuan ng awa, konting panahon lang bago ang pagpapakita ng Panginoon sa mga alapaap ng langit. . . . Mapanganib ang kalagayan ng mga taong dahil napapagod na sa kanilang pag-aabang, ay bumabaling na sa mga pang-akit ng sanlibutan. Habang buhos na buhos ang negosyante sa paghahanap ng pera, habang naghahanap ng kalayawan ang mahilig sa kasiyahan, habang inaayos ng anak na sunod sa uso ang kanyang mga panggayak—baka sa oras na iyon ipahayag ng Hukom ng buong lupa ang sentensyang, “Ikaw ay tinimbang sa timbangan at natuklasang kulang” (Daniel 5:27).—The Review and Herald, November 9, 1905. LBD 353.4
Tahimik at di-namamalayan gaya ng magnanakaw sa hatinggabi, darating ang napakahalagang oras na tanda ng pagtatakda sa kahahantungan ng bawat tao, sa tuluyan nang pag-aalis ng alok ng kahabagan sa mga nagkasalang tao. “Kaya’t maging handa kayo . . . baka sa bigla Niyang pagdating ay matagpuan Niya kayong natutulog” (Marcos 13:35, 36).— The Review and Herald, November 9, 1905. LBD 353.5