Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos

349/367

Magiging Kanlungan Natin Siya, 13 Disyembre

Sapagkat ako’y ikukubli Niya sa Kanyang kanlungan sa araw ng kaguluhan, sa ilalim ng Kanyang tolda ako’y Kanyang itatago, at itataas Niya ako sa ibabaw ng isang malaking bato. Awit 27:5. LBD 352.1

May kagalakan at kaaliwan para sa tapat ang puso at masunuring Cristiano na hindi nababatid ng sanlibutan. Isang misteryo ito sa kanila. Mabintog ang pag-asang Cristiano sa kawalang-kamatayan at puspos ng kaluwalhatian. Pumapasok ito sa kabila ng tabing, at parang isang angkla sa kaluluwa, na parehong tiyak at matibay (Hebreo 6:19). At kapag dumating na ang bagyo ng galit ng Diyos sa mga makasalanan, hindi sila bibiguin ng pag-asang ito, kundi nakatago silang parang nasa lihim ng Kanyang pabilyon.— The Youth’s Instructor, May 1, 1854. LBD 352.2

May magulong kapanahunan sa harapan natin; sasapit sa ating sanlibutan ang mga kahatulan ng Diyos. Manginginig ang mga bansa sa lupa. Magkakaroon ng mga pagsubok at kalituhan kahit saan; manlulupaypay ang mga tao dahil sa takot (Lucas 21:26). At anong gagawin natin sa araw na iyon? Kahit na pagiray-giray na parang lasing ang lupa, at maalis na parang dampa (Isaias 24:20), kung ginawa nating tiwala natin ang Diyos, ililigtas Niya tayo. “Siyang naninirahan sa tirahan ng Kataas-taasan, ay mananatili sa lilim ng Makapangyarihan.” “Dahil iyong ginawa ang Kataas-taasan bilang iyong tahanan; walang kasamaang darating sa iyo. . . . Sapagkat Siya’y magbibilin sa Kanyang mga anghel tungkol sa iyo, upang sa lahat ng iyong mga lakad ay ingatan ka” (Awit 91:1, 9, 11).— The Review and Herald, March 15, 1887. LBD 352.3

Nakikita ni Cristo ang katapusan ng labanan. Palupit nang palupit na itinataguyod ang labanan. Di-magtatagal ay darating na Siya bilang siyang may karapatan, at siyang magmamay-ari ng lahat ng bagay sa lupa. Lahat ng kaguluhan sa ating sanlibutan, katuparan ng mga sinabi ni Cristo ang lahat ng karahasan at krimen. Tanda ang mga ito ng kalapitan ng Kanyang pagdating. Sa araw na iyon ng Kanyang pagdating, iingatan ni Cristo ang mga sumunod sa Kanya, na siyang Daan, Katotohanan, at Buhay. Nangako Siyang magiging kanlungan nila. Ang sabi Niya sa kanila, Pumasok kayo sa ligtas na pahingahan nang isang saglit, at magtago ka hanggang sa malinis Ko ang lupa sa kanyang kasamaan (Isaias 26:20).— Letter 264, 1903. LBD 352.4