Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Pinabibilis Natin ang Kanyang Pagbabalik sa Pamamagitan ng Banal na Pamumuhay, 11 Disyembre
Ano ngang uri ng pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na pamumuhay at pagiging maka-Diyos, na hinihintay at pinagmamadali ang pagdating ng araw ng Diyos? 2 Pedro 3:11, 12. LBD 350.1
Maraming nagsasabing naghihintay daw sa nalalapit nang pagdating ni Cristo ang nagiging kaayon ng sanlibutang ito, at mas masigasig na pinagsisikapang matamo ang papuri ng mga nakapalibot sa kanila kaysa pag-apruba ng Diyos. . . . LBD 350.2
Marami sa mga nagsasabing Cristianong ito ay nagdadamit, nagsasalita, at kumikilos na kagaya ng sanlibutan, at ang tanging ang pagsasabi nila ang magpapakilala sa kanila bilang Cristiano. Bagaman sinasabi nilang naghihintay sila kay Cristo, ang kanilang pakikipag-usap ay hindi palangit, kundi sa mga makamundong bagay. LBD 350.3
“Ano ngang uri ng pagkatao” dapat “sa banal na pamumuhay at pagiging maka-Diyos,” silang mga nagsasabing “hinihintay at pinagmamadali ang pagdating ng araw ng Diyos?” (2 Pedro 3:11, 12). . . . LBD 350.4
Mahirap ang daang patungong langit. Nagkalat sa daan ang mga dawag at mga tinik; pero puwede tayong lumakad sa landas na ito nang may kasiyahan, nalalamang si Jesus, na Hari ng kaluwalhatian, ay dumaan na rin dito bago pa tayo. Magagalak tayo na puwede tayong makasunod sa Kanyang mga hakbang, at maging mga kabahagi ng Kanyang pagdurusa, upang maging kabahagi rin naman tayo sa wakas ng Kanyang kaluwalhatian. LBD 350.5
Ano kaya kung buntunan ako ng panlalait, maging ng mga nagsasabing naghihintay sa Panginoon? . . . Magrereklamo ba ako, samantalang tiniis ni Jesus ang mga paghamak at panunuya ng sarili Niyang bayan? . . . Hindi, hindi ako magrereklamo; sa halip ay magagalak ako at matutuwang maigi itinuring na akong karapat-dapat magdusa alang-alang kay Cristo, na ang gantimpala ko ay nasa langit. Magkaroon lang ako ng pamana sa kaluwalhatian, at iyan ay sapat na. . . . LBD 350.6
Magsikap tayong maging mga Cristiano (kagaya ni Cristo) sa buong kahulugan ng salitang ito, at ipangaral ng ating pananamit, pakikipag-usap, at pagkilos na nahubog sa loob natin si Cristo, ang pag-asa ng kaluwalhatian, at hinihintay natin ang mapalad na pag-asa at ang maluwalhating pagpapakita ni Jesus. . . . Ang aking mga hilig, interes, kayamanan, ang lahat, ay nasa maningning na sanlibutang darating. Sabik na akong makita ang Hari sa Kanyang kagandahan.— The Review and Herald, June 10, 1852. LBD 350.7