Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Maging Walang Dungis, 7 Disyembre
At sa kanilang bibig ay walang natagpuang kasinungalingan; sila’y mga walang dungis sa harapan ng trono ng Diyos. Apocalipsis 14:5. LBD 346.1
Kamuhi-muhing bagay ang kasalanan. Sinira nito ang moral na kagandahan ng napakaraming bilang ng mga anghel. Pumasok ito sa ating sanlibutan, at kamuntik nang burahin ang larawang moral ng Diyos sa tao. Subalit naglaan ang Diyos sa dakila Niyang pag-ibig ng paraan na sa pamamagitan nito ay maaaring mabawi ng tao ang kalagayang kinahulugan niya dahil sa pagpapadaig sa manunukso. Dumating si Cristo para tumayo sa unahan ng sangkatauhan, upang isagawa para sa atin ang isang perpektong karakter. . . . “Ang lahat ng tumanggap sa Kanya . . . ay Kanyang pinagkalooban sila ng karapatan na maging mga anak ng Diyos” (Juan 1:12). LBD 346.2
Ano ang hinihingi ng Panginoon sa mana Niyang binili ng dugo?—Ang pagpapakabanal ng buong katauhan—kalinisang kagaya ng kalinisan ni Cristo, ganap na pakikiayon sa kalooban ng Diyos. . . . Walang makapapasok sa banal na siyudad na gumagawa ng karumihan o kasinungalingan. . . . LBD 346.3
Kaya nating maihayag ang wangis ng banal nating Panginoon. Puwede nating malaman ang siyensya ng espirituwal na buhay. Puwede nating maparangalan ang Maygawa sa atin. . . . LBD 346.4
Mas mataas kaysa kayang maabot ng pinakamataas na iniisip ng tao ang ideyal ng Diyos para sa Kanyang mga anak. Gusto Niyang maging malinaw ang ating mga isipan, kaaya-aya ang ating mga ugali, at masagana ang ating pagmamahal. Kung gayon ay dadaloy mula sa atin ang kapayapaang hindi maabot ng pag-iisip upang pagpalain ang lahat ng nakasasalamuha natin. Makapagpapanariwa ang atmosperang pumapalibot sa ating mga kaluluwa. . . . LBD 346.5
Marami ang nanghahawak sa katotohanan sa pamamagitan ng mga dulo lang ng kanilang mga daliri. Ang mahahalagang oras na dapat gamitin sa pagsasalita tungkol sa kapangyarihang magligtas ng Tagapagligtas, ay ginagamit ng marami sa paghahatid ng masasamang ulat. Malibang gumawa sila ng disididong pagbabago, masusumpungang silang kulang. Malibang magkaroon sila ng lubusang pagbabago ng karakter, hindi sila makapapasok sa langit. . . . Walang hilig na mag-isip o magsalita tungkol sa mga pagkakamali ng iba ang taong tunay na hikayat. Napabanal ang kanyang mga labi, at bilang saksi ng Diyos ay nagpapatotoo siyang binago ng biyaya ni Cristo ang kanyang puso. . . LBD 346.6
. Silang nagtagumpay sa tuksong mag-isip at magsalita ng masama ang papasok sa langit.— The Review and Herald, November 24, 1904. LBD 346.7