Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Abutin ang Buong Kapuspusan ni Cristo, 23 Nobyembre
Hanggang makarating tayong lahat sa pagkakaisa ng pananampalataya, at sa ganap na pagkakilala sa Anak ng Diyos, hanggang maging taong may sapat na gulang, hanggang sa sukat ng ganap na kapuspusan ni Cristo. Efeso 4:13. LBD 332.1
Habang sumusulong kayo sa buhay-Cristiano, tuluy-tuloy kayong lalago sa sukat ng buong kapuspusan ni Cristo. Sa inyong karanasan, mapatutunayan ninyo ang luwang, haba, taas, at lalim ng pag-ibig ng Diyos, na higit pa sa kaalaman. Madarama ninyo ang pagiging hindi karapat-dapat ninyo. Hindi kayo magkakaroon ng kagustuhang magangkin ng kasakdalan ng karakter, kundi ang itaas lamang ang kasakdalan ng inyong Manunubos. Kung mas lubusan at masagana ang inyong karanasan sa pagkakilala kay Jesus, mas magiging mababa rin ang inyong mga pananaw sa inyong sarili. . . . LBD 332.2
Ang mahalin ang Diyos nang higit sa lahat, at ang inyong kapwa gaya ng inyong sarili, ay tunay na pagpapakabanal. Ang pagkahikayat na batay sa Biblia ay hahantong sa tuluy-tuloy at namamalaging paggawa, na malaya sa lahat ng pagkamakasarili, sa lahat ng pagtataas sa sarili, at sa lahat ng mapagmalaking pag-aangkin ng kabanalan. Kung tunay kayong nahikayat sa Diyos, magpapakita kayo ng matindi at mabisang impluwensya sa panig ng katotohanan. Ang may-kaunawaang kaalaman kung anong ibig sabihin ng maging Cristiano ay gagawin kayong pagpapala saan man kayo pumunta. Kayo man ay may isa, dalawa, o limang talento, lahat ay itatalaga sa paglilingkod sa Kanya na nagkatiwala nito sa inyo. . . . LBD 332.3
Hindi balak ng Diyos na magliwanag nang gayon ang inyong ilawan upang maghatid ang inyong mabubuting salita o gawa ng pagpuri ng mga tao sa inyong sarili; kundi ang maluwalhati at maitaas ang May-akda ng lahat ng mabuti. Si Jesus, sa Kanyang buhay, ay nagbigay ng huwaran ng karakter. Anong liit ng kapangyarihan ng sanlibutan sa Kanya para hubugin Siya ayon sa pamantayan nito! Lahat ng impluwensya nito ay iwinaksi.—The Review and Herald, October 16, 1888. LBD 332.4
Hindi kayo puwedeng nakatayo lamang; maaari lamang kayong sumulong o lumala pa. . . . Kung saan may espirituwal na kalusugan ay mayroon ding paglago. Lumalago ng anak ng Diyos sa buong kapuspusan ng isang lalaki o babae kay Cristo. Walang limitasyon sa kanyang pagsulong.— Testimonies for the Church, vol. 5, pp. 264, 265. LBD 332.5