Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Dapat Makatanggap ng Tuluy-tuloy na Pangangalaga ang Templo ng Diyos, 3 Nobyembre
Kayo ang templo ng Diyos na buhay; gaya ng sinabi ng Diyos, Ako’y mananahan sa kanila, at lalakad sa gitna nila, Ako’y magiging kanilang Diyos, at sila’y magiging Aking bayan. 2 Corinto 6:16. LBD 312.1
Dapat nating sundin ang mga kautusan ng Kanyang kaharian, na sinisikap nating maging lahat ng posibleng maging tayo. Buong sikap dapat ating hubugin ang pinakamatataas na kapangyarihan ng ating katauhan, tinatandaan na pag-aari ng Diyos tayo, gusali ng Diyos. Hinihilingang tayong sumulong bawat araw. Kahit pa sa mundong ito ng kasalanan at kalungkutan, maaari tayong pumailanglang sa pinakamataas na espirituwal na kahusayan sa pamamagitan ng masipag at matiyagang pagsisikap. . . . Kailangan nating bigyang-lugod ang Diyos. Puwede natin itong gawin; sapagkat binigyang-lugod ni Enoc ang Diyos, bagaman nabubuhay siya sa isang makasalanang panahon. At may mga Enoc sa kapanahunan nating ito. LBD 312.2
Ang bahay na tao, ang gusali ng Diyos, ang Kanyang templo, ay nangangailangan ng malapitan, maingat, at mapagmasid na pagbabantay. Puwede nating ibulalas kagaya ni David na, “Ang pagkagawa sa akin ay kakila-kilabot at kamangha-mangha” (Awit 139:14). Dapat mapangalagaan ang pinakamahusay na gawa ng Diyos, upang maipakita sa makalangit na sansinukob at sa tumalikod na lahi na templo ng buhay na Diyos ang mga lalaki at babae. LBD 312.3
Ang pag-aangkop ng buong pagkatao bilang templo para sa paninirahan ng Banal na Espiritu ang kasakdalan ng karakter na hinihingi ng Diyos. Hinihingi ng Panginoon ang paglilingkod ng buong makinaryang tao. Gusto Niya na ang mga lalaki at babae ay maging lahat ng ginawa Niyang posibleng maging sila. Hindi sapat na bahagi lamang ng makinarya ang gagamitin. Dapat mapakilos ang lahat ng bahagi, kung hindi ay kapos din ang paglilingkod. . . . LBD 312.4
Ang pisikal na buhay ay kailangang maingat na turuan, hubugin, at palaguin, upang maihayag ang banal na likas sa kapuspusan nito sa pamamagitan ng mga lalaki at babae. Inaasahan ng Diyos na gagamitin ng mga tao ang katalinuhang ibinigay Niya sa kanila. Inaasahan Niyang gagamitin nila ang bawat kapangyarihan ng pangangatwiran para sa Kanya. Dapat nilang ibigay sa budhi ang lugar ng pangingibabaw na itinakda rito. Ang mga kakayahan ng isipan at katawan, pati na ang damdamin, ay dapat hubugin nang husto anupa’t maaabot ng mga ito ang pinakamataas na kahusayan. — Manuscript 130, 1899. LBD 312.5