Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Natatagong Kasama ni Cristo sa Diyos ang Buhay Natin sa Pamamagitan ng Bautismo, 20 Oktubre
Sapagkat kayo’y namatay na, at ang inyong buhay ay natatagong kasama ni Cristo sa Diyos. Colosas 3:3. LBD 298.1
May malaking responsibilidad ang mga nabautismuhan sa pangalan ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo. Magsikap kayong maunawaan ang ibig sabihin ng mga salitang, “Kayo’y namatay na, at ang inyong buhay ay natatagong kasama ni Cristo sa Diyos.” Sa bagong buhay na pinasok ninyo, nangangako kayong ipapakita ang buhay ni Cristo. Yamang ibinihis ang bagong pagkatao, “na binabago sa kaalaman ayon sa larawan ng lumalang sa kanya,” “bilang mga hinirang ng Diyos, mga banal at minamahal, magbihis kayo ng kahabagan, ng kabaitan, ng kababaangloob, ng kaamuan, at ng katiyagaan. Pagtiisan ninyo ang isa’t isa, at kung may reklamo ang sinuman laban sa kanino man, magpatawaran kayo sa isa’t isa, kung paanong pinatawad kayo ng Panginoon, ay gayundin naman ang inyong gawin. At higit sa lahat ng mga bagay na ito ay magbihis kayo ng pagibig na siyang tali ng kasakdalan. At maghari sa inyong puso ang kapayapaan ni Cristo, na doon ay tinawag din naman kayo sa isang katawan. At kayo’y maging mapagpasalamat” (Colosas 3:10-15). LBD 298.2
Ang dating makasalanang buhay ay patay na; pinasok na ninyo ang bagong buhay na kasama ni Cristo sa pamamagitan ng pangako ng bautismo. Isakabuhayan ninyo ang mga kagandahan ng karakter ng Tagapagligtas. Hayaang manirahan nang masagana sa inyo ang Kanyang Salita ayon sa lahat ng karunungan; “magturo at magpaalalahanan kayo sa isa’t isa sa pamamagitan ng mga salmo at ng mga himno at mga awiting espirituwal, na umaawit na may pasasalamat sa Diyos sa inyong mga puso. At anumang inyong ginagawa sa salita, o sa gawa, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus, na nagpapasalamat kayo sa Diyos Ama sa pamamagitan Niya” (talatang 16, 17). LBD 298.3
. . . Ang mga kasalanang ginagawa natin bago tayo mahikayat ay dapat nang hubarin, kasama ng lumang pagkatao. Kasama ng bagong tao, na si Cristo Jesus, ay dapat ding magsuot ng “kabaitan, ng kababaang-loob, ng kaamuan, at ng katiyagaan” (talatang 16, 12).— Letter 32, 1907. LBD 298.4
Ang mga magiging kaisa ni Jesus, sa Kanyang espiritu at pag-ibig, ay magiging malapit ang pakikisama sa isa’t isa, na pinagbubuklod ng sedang tali ng pag-ibig. . . . Ang magiging damdamin ng bawat anak ng pananampalataya ay “Kayong lahat ay magkakapatid.” . . . Lahat ay magiging pantay-pantay na kaisa ni Cristo.— .Manuscript 28, 1897. LBD 298.5