Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos

244/367

Ang Krus na Pinasan ni Simon, 30 Agosto

At paglabas nila’y kanilang nasalubong ang isang taong tagaCirene, na Simon ang pangalan: pinilit nila ang taong ito na pasanin ang Kanyang krus. Mateo 27:32. LBD 247.1

Masyadong mabigat ang pasanin ng Tagapagligtas para sa Kanya sa Kanyang mahina at nagdurusang kalagayan. Mula noong hapunan ng Paskuwa kasama ang Kanyang mga alagad, hindi Siya kumain ni uminom. Nagdusa Siya sa hardin ng Gethsemane sa pagsalungat sa mga satanikong ahensya. . . . Sa buong kahiya-hiyang pagtatawanan sa isang paglilitis, nagtaglay Siya sa Kanyang Sarili ng katatagan at dignidad. Ngunit nang matapos ang pangalawang paghampas, ipinatong sa Kanya ang krus, na hindi na makakayang batahin pa ng katauhan. Nahimatay Siya sa ilalim ng pasanin. LBD 247.2

Nakita ng maraming taong sumunod sa Tagapagligtas ang Kanyang mahina at pasuray-suray na paglakad, ngunit hindi sila nakakitaan ng awa. . . . Nakita ng mga mang-uusig na imposible na Niyang madala pa ang Kanyang pasanin. Nag-isip silang humanap ng isang magdadala ng nakahihiyang pasan. Hindi ito magagawa ng mga Judio. . . . LBD 247.3

Sa panahong ito isang estranghero, si Simon na taga-Cirene, na papasok mula sa bansa, ay sumalubong sa karamihan. Naririnig niya ang mga panunuya at pambabastos ng mga tao; naririnig niya ang mga salitang palait na inuulitulit, Bigyan ng daan ang Hari ng mga Judio! Napatigil siya sa labis na pagtataka sa eksena; at habang ipinahayag niya ang kanyang pagkaawa, hinugot nila siya at ipinatong ang krus sa kanyang mga balikat. LBD 247.4

Narinig ni Simon si Jesus. Naniniwala ang kanyang mga anak sa Tagapagligtas, ngunit siya mismo ay hindi isang alagad. Isang pagpapala kay Simon ang pagdala ng krus patungong Kalbaryo, at pagkatapos ay nagpasalamat siya sa kaloob ng Diyos na ito. Pinangunahan siya nitong piliing kunin ang krus ni Cristo, at masayang tumayo sa ilalim ng pasanin nito.— The Desire of Ages, pp. 741, 742. LBD 247.5

Naging paraan ng kanyang [ni Simon] pagbabalik-loob ang ipinilit sa kanyang pasanin na krus. Labis na napukaw ang kanyang pakikiramay para kay Jesus; at ang mga kaganapan ng Kalbaryo, at ang mga salitang binigkas ng Tagapagligtas, ay naging dahilan para makilala niya na Siya ang Anak ng Diyos.— Undated Manuscript, p. 127. LBD 247.6