Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Kailangan Natin ng Marami Pang Lalaking Gaya ni Moises, 21 Hulyo
Nang makita ng bayan na nagtatagal si Moises ng pagpanaog sa bundok, ay nagtipon ang bayan kay Aaron, at sinabi sa kanya, Tumindig ka at igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin; sapagkat ang Moises na ito na naglabas sa amin mula sa lupain ng Ehipto, ay hindi namin alam kung ano na ang nangyari sa kanya. Exodo 32:1. LBD 207.1
Sa pagkawala ni Moises, naitalaga kay Aaron ang panghukumang awtoridad, at nagtipon sa harapan ng kanyang tolda ang napakaraming mga tao, na humuhiling, “Igawa kami ng mga diyos na mangunguna sa amin. . . .” Kailangan sa ganitong krisis ang isang taong may katatagan, may desisyon, at hindi natitinag na tapang; taong humahawak sa karangalan ng Diyos na mas mataas sa popular na kinikilingan, personal na kaligtasan, o sa mismong buhay. . . . Mahinang tumutol si Aaron sa mga tao, subalit ang pagiging mabuway niya at pagkamahiyain sa kritikal na sandaling iyon ay nagbigay lamang sa kanila ng higit na determinasyon. Lumago ang kaguluhan. . . . Natakot si Aaron para sa kanyang kaligtasan; at sa halip na marangal na tumayo para sa karangalan ng Dios, pumayag siya sa mga kahilingan ng napakaraming mga tao. Ang una niyang ginawa ay ipag-utos na kolektahin ang mga gintong hikaw mula sa lahat ng mga tao at dalhin ito sa kanya, umaasang tatanggihan nila ang ganitong sakripisyo dahil sa pagmamataas. Subalit maluwag sa loob nilang ibinigay ang kanilang mga burloloy; at gumawa siya ng isang minoldeng guya, sa paggaya sa mga diyos ng Ehipto.— Patriarchs and Prophets, pp. 316, 317. LBD 207.2
Nauulit natin ang kasalanan ni Aaron, nananahimik, kung kailan dapat maging malinaw ang paningin sa pagkilala sa masama at pagpahayag dito ng simple, kahit na inilalagay tayo nito sa di-kanais-nais na posisyon, dahil maaaring hindi maintindihan ang ating mga motibo. Hindi natin dapat pabayaan ang kamalian sa isang kapatid o sinumang taong konektado sa atin. Ang pagkalimot na pagtayong matatag para sa katotohanan ang naging kasalanan ni Aaron. Kung malinaw lamang sana niyang nasabi ang katotohanan, hindi na sana magagawa pa ang ginintuang guya.— The S.D.A. Bible Commentary, vol. 1, p. 1109. LBD 207.3
Mayroon pa ring mga malambot na Aaron, na . . . bibigay sa mga kahilingan ng mga hindi pinabanal, at sa gayon ay naghihikayat sa kanila na magkasala.— The S.D.A. Bible Commentary, vol. 1, p. 1109. LBD 207.4
Silang pinarangalan ng isang banal na komisyon, ay hindi dapat maging mahina, . . . o umiwas sa mga nakayayamot na gawain, kundi gumawa ng gawain ng Diyos na may hindi nababagong katapatan.— Patriarchs and Prophets, p. 324. LBD 207.5