Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos

198/367

Kailangan Ngayon ang Tapang at Kapangyarihan, 15 Hulyo

Subalit dahil sa layuning ito ay binuhay kita, upang maipakita sa iyo ang Aking kapangyarihan, at ang Aking pangalan ay mahayag sa buong daigdig. Exodo 9:16. LBD 201.1

Higit pa ang Cristianong buhay sa mga naisasakabuhayan ng marami. Hindi lamang ito binubuo ng kahinahunan, pagtitiyaga, kaamuan, at kabaitan. Kinakailangan ang mga biyayang ito; subalit kailangan din ng tapang, lakas, enerhiya, at pagtitiyaga. Makipot ang daang tinutukoy ni Cristo, daan ng pagtanggi sa sarili. Ang pagdaan sa landas na iyon at tuloy-tuloy na pagsulong sa mga kahirapan at pagkasira ng loob, ay nangangailangan ng mga taong higit pa sa mga mahihina. LBD 201.2

Kailangan ang mga taong matibay, mga taong hindi na hihintayin pang mapadali ang kanilang daan, at maalis ang bawat balakid, mga taong pasisiglahin ang mga nanghihinang manggagawa sa pamamagitan ng sariwang kasigasigan at banayad na pagsisikap, mga taong may mga pusong pinaiinit ng Cristianong pag-ibig, at may mga kamay na malakas sa paggawa ng gawain ng kanilang Panginoon. LBD 201.3

Ilan sa mga gumagawa sa gawaing misyonero ay mahihina, duwag, matamlay, at madaling panghinaan ng loob. Kulang sila ng sigasig. Wala sa kanila ang mga positibong katangiang nagbibigay lakas para gumawa ng mga bagay,—ang espiritu at enerhiyang nagpapaalab ng kasigasigan. Kailangang maging matapang at magkaroon ng pag-asa ang mga magtatagumpay. Hindi lamang mga balintiyak na katangian ang kailangan nilang linangin kundi pati ang mga masigasig na katangian. Habang kailangan nilang magbigay ng malumanay na sagot na nag-aalis ng galit, kailangan nilang taglayin ang tapang ng isang bayani upang mapigilan ang kasamaan. Sa pag-ibig na pinagtitiisan ang lahat ng mga bagay, kailangan nila ang puwersa ng karakter na gagawa upang maging positibong kapangyarihan ang kanilang impluwensya. LBD 201.4

Walang katatagan ng karakter ang iba. . . . Dapat mapagtagumpayar ang kahinaan, kawalang-pasya, at kawalang-kaya. . . . Mga lalaking may kapangyarihan ang mga kinakalaban, nililito, at hinahadlangan. Sa pagpapakilos ng kanilang mga lakas, nagiging mga positibong biyaya sa kanila ang mga hadlang na nasasalubong. Nagtatamo sila ng pagtitiwala sa sarili. Ang salungatan at kabalisahan ay nagpapakilos ng kanilang pagtitiwala sa Diyos, at sa katatagan na ito na nagpapalakas ng kapangyarihan.— The Ministry of Healing, pp. 497-500. LBD 201.5