Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Tinutularan Natin si Cristo sa Ordinansa ng Pagpapakumbaba, 30 Mayo
Kung ako nga na inyong Panginoon at Guro ay naghugas ng inyong mga paa, kayo man ay dapat ding maghugas ng paa ng isa’t isa. Sapagkat kayo’y binigyan ko ng halimbawa, upang gawin din ninyo ayon sa ginawa ko sa inyo. Juan 13:14, 15. LBD 155.1
Nang pumasok ang mga alagad sa silid ng hapunan, puno ng masasamang damdamin ang kanilang mga puso. Lumapit nang husto si Judas sa kaliwang bahagi ni Cristo; nasa kanan si Juan. Kung mayroong pinakamataas na lugar, determinado si Judas na mapasa kanya iyon, at ang lugar na iyon ay inakala niyang na kay Cristo. . . . LBD 155.2
Bumangon ang isa pang dahilan ng pagtatalo. Kaugalian sa isang handaan para sa isang alipin na hugasan ang mga paa ng mga bisita. . . . Naroon ang pitsel, ang palanggana, at ang tuwalya, bilang handa para sa paghuhugas ng mga paa; ngunit walang alipin ang naroon, at bahagi ng mga alagad na gawin ito. LBD 155.3
. . . Naghintay si Jesus ng kaunting panahon para tingnan kung ano ang gagawin nila. Pagkatapos, tumayo Siya, ang banal na Guro, mula sa hapag kainan. Hinubad Niya ang panlabas Niyang kasuotan para hindi maging hadlang sa Kanyang paggalaw, kumuha Siya ng tuwalya, at binigkisan ang Kanyang baywang. . . . “Pagkatapos ay nagsalin siya ng tubig sa palanggana, at nagsimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad.” . . . Ganito ipinahayag ni Cristo ang pagibig Niya para sa Kanyang mga alagad.— The Desire of Ages, pp. 644, 645. LBD 155.4
Ang pagdiriwang ng mga ordinansang ito ay ang pagtupad ng utos na, “Kung ako nga, na Panginoon at Guro ay naghugas ng inyong mga paa, kayo man ay dapat ding maghugas ng mga paa ng isa’t isa. . . .” Anong lugar ito para patahimikin ang mga kontrobersya, para sa pagpapatawad ng mga gumawa sa atin ng pinsala. Ito ang oras, kung may anumang hinanakit ang sinuman sa kanyang kapatid, upang ituwid ito, upang ayusin ang anumang sigalot. Magkaroon ng kapatawaran para sa isa’t isa. Huwag magdala ng kakaibang apoy sa altar. Hayaang walang masamang hangarin, walang pagkapoot, ang pahalagahan ng mga taong nagtatagpo sa paligid ng hapag-kainan ng pakikisalo.— Manuscript 19, 1892. LBD 155.5
Sa tuwing ipagdiriwang ang ordinansang ito sa tamang paraan, dinadala sa isang banal na ugnayan ang mga anak ng Diyos, upang tulungan at pagpapalain ang bawat isa.—The Desire of Ages, p. 651. LBD 155.6