Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos

150/367

Maging Banal Tayo Gaya ni Cristo na Banal, 28 Mayo

Kayo’y maging banal, sapagkat ako’y banal. 1 Pedro 1:16. LBD 153.1

Sa ating mga limitadong kapangyarihan, maging banal tayo ayon sa ating katayuan kung paanong banal ang Diyos sa Kanyang kalagayan.—The Review and Herald, November 1, 1892. LBD 153.2

Inaasahan ng Diyos na bumuo tayo ng mga karakter alinsunod sa Huwarang itinakda sa atin. Dapat tayong magpatong ng tisa sa ibabaw ng tisa, dagdagan ang biyaya ng biyaya, at hanapin ang ating mga kahinaan at iwasto ang mga ito alinsunod sa mga ibinigay na tagubilin. Kapag nakita ang isang bitak sa mga pader ng isang mansyon, alam nating may mali sa isang gusali. Sa ating pagbuo ng karakter, madalas nakikita ang mga bitak. Malibang malunasan ang mga depektong ito, babagsak ang bahay kapag hinampas ito ng bagyo ng pagsubok. LBD 153.3

Binigyan tayo ng Diyos ng lakas, kapangyarihang mangatwiran, oras, upang makapagtayo tayo ng mga karakter kung saan maaari Niyang ilagay ang Kanyang tatak ng pagsang-ayon. Hinahangad Niyang bumuo ng marangal na karakter ang bawat Niyang anak, sa pamamagitan ng paggawa ng dalisay at marangal na mga gawa, upang maiharap Niya sa wakas ang maayos na istraktura, magandang templo, na iginagalang ng tao at ng Diyos. LBD 153.4

Sa ating pagbuo ng karakter, kailangang magtayo tayo kay Cristo. Siya ang siguradong pundasyon—pundasyong hindi magagalaw kailan man. Di-kayang galawin ng bagyo ng tukso at pagsubok ang gusaling nakatayo sa Walang-hanggang Bato. Siyang lalago bilang magandang gusali para sa Panginoon ay dapat linangin ang bawat kapangyarihan ng pagkatao. Maaari lamang umunlad nang maayos ang karakter sa tamang paggamit ng mga talento. Kaya dinadala natin sa pundasyon ang kinakatawanan sa Salita bilang ginto, pilak, mahahalagang bato—materyal na magiging matatag sa kabila ng pagsubok ng nagdadalisay na apoy ng Diyos.— Child Guidance, pp. 165, 166. LBD 153.5

Ang kabanalan ay . . . isang lubos na pagsuko ng kalooban sa Diyos; pamumuhay ito sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Diyos; paggawa ito ng kalooban ng ating makalangit na Ama; pagtitiwala ito sa Diyos sa pagsubok, sa kadiliman at gayundin sa liwanag; paglalakad ito sa pamamagitan ng pananampalataya at hindi sa pamamagitan ng paningin; pag-aasa ito sa Diyos na may walang-dudang kumpiyansa, at pagpapahinga sa Kanyang pag-ibig.- The Acts of the Apostles, p. 51. LBD 153.6