Mga Anak na Lalaki at Babae ng Diyos
Sa Pagkaawa, 21 Mayo
Pagdating niya sa pampang, nakita niya ang napakaraming tao. Nahabag siya sa kanila at pinagaling niya ang mga maysakit sa kanila. Mateo 14:14. LBD 146.1
Ituturo ko kayo sa buhay ni Cristo, sa Kanyang pakikiramay, ang Kanyang kapakumbabaan at pag-ibig, ang Kanyang di-maipaliwanag na pagmamahal. Dapat ninyong tularan ang Kanyang halimbawa. Ibinigay sa inyo ng Diyos ang buhay at ang lahat ng masaganang pagpapala para maging maligaya ito, at bilang tugon hinihiling Niya sa iyo ang iyong paglilingkod, pasasalamat, pag-ibig, at pagsunod sa Kanyang utos. Napakahalaga ng mga kahilingang ito, at hindi maaaring bale-walain; ngunit wala Siyang hinihiling sa inyo na hindi ninyo mas ikaliligaya, kahit na sa buhay na ito.— The Youth’s Instructor, January 30, 1884. LBD 146.2
Ipinakikita ng Kamahalan ng langit ang Kanyang malasakit sa nagdurusang sangkatauhan. Nangangailangan ang ating mga kasamahan at mga kasama ng taos-pusong kabaitan at malambing na pakikiramay. . . . Imposibleng lumago kay Cristo na ang ating buhay na pinuno, maliban kung isasagawa natin ang liksyong ibinigay Niya sa atin tungkol sa pakikiramay, habag, at pagmamahal. Imposibleng maipakita ang larawan ni Cristo malibang nasa kaluluwa ang pag-ibig na ipinanganak sa langit. Walang sinumang makapapasok sa pintuan ng lunsod ng Diyos na di-nagpapakita ng katangiang ito.— The Youth’s Instructor, October 20, 1892. LBD 146.3
Ang isang di-banal na kilos ng ating Tagapagligtas, ay wawasak ng huwaran, at hindi na Siya maaaring maging isang perpektong halimbawa para sa atin; ngunit bagaman tinukso Siya sa lahat ng punto gaya rin natin, wala pa Siyang kahit isang mantsa ng kasalanan. Ipinahahayag Niya ang Kanyang katangian sa pamamagitan ng bibig ng propeta na nagsasabing, “Ako ang Panginoon na nagsasagawa ng kagandahang-loob, ng katarungan, at ng katuwiran sa daigdig; sapagkat sa mga bagay na ito ay nalulugod ako, sabi ng Panginoon.” Dapat magalak sa mga bagay na ito ang lahat ng nagpapahayag ng pangalan ni Cristo, sa pamamagitan ng pag-uusap at pag-uugaling ipinakikita sa mundo na ginagaya nila ang Huwaran. . . . Ang sinumang naniniwala kay Cristo ay dapat gawin ang mga gawain ni Cristo. Ipinakita sa harap ng maraming tao ang Panginoon na nagsasagawa ng kagandahang-loob, ng kahatulan, at ng katuwiran sa lupa, at ito ang mga bungang dinadala ng tunay na Cristiano.— The Youth’s Instructor, October 13, 1892. LBD 146.4