Pauwi Na Sa Langit
Pinakikilos Ng Panalangin Ang Bisig Ng Makapangyarihan Sa Lahat, Mayo 13
Ni ang sarili nilang kamay ay nagbigay sa kanila ng tagumpay; kundi ng Iyong kanang kamay, at ng Iyong bisig, at ng liwanag ng Iyong mukha, sapagkat Ikaw ay nalulugod sa kanila. Awit 44:3. PnL
Kapag dumating ang mga pagsubok na tila di-maipaliwanag, huwag nating hayaang masira ang ating kapayapaan. Kahit na di-makatarungan tayong tinatrato, huwag hayaang lumitaw ang silakbo ng damdamin. PnL
Habang sumusulong ang mundo sa kasamaan, walang sinuman sa atin ang kailangang magmamayabang na hindi tayo magkakaroon ng kahirapan. Ngunit ang mismong mga kahirapang ito ang magdadala sa atin sa silid-tanggapan ng Pinakamataas sa Lahat. Maaari tayong makahingi ng payo mula sa Kanya na may walang katapusang karunungan. PnL
Sinasabi ng Panginoon, “Tumawag ka sa Akin sa panahon ng kabagabagan” (Awit 50:15.) Inaanyayahan Niya tayong ilapit sa Kanya ang ating mga kaguluhan at pangangailangan, ang ating pangangailangan ng tulong ng Diyos. Inaatasan Niya tayong maging mabilis sa pananalangin. Sa sandaling magkaroon ng kahirapan, maghandog tayo sa Kanya ng taospuso at taimtim na mga panalangin. Sa ating mga matiyagang pananalangin, nagbibigay tayo ng katibayan ng ating matibay na pagtitiwala sa Diyos. Ang damdamin ng ating pangangailangan ang nagdala sa atin upang taimtim na manalangin, at nakikilos ang ating Ama sa langit ng ating mga pakiusap. PnL
Madalas na yaong mga nakararanas ng paninisi o pag-uusig dahil sa kanilang pananampalataya ay natutuksong mag-isip na itinakwil na sila ng Diyos. Sa mata ng tao sila’y kabilang sa minorya. Sa lahat ng nakikita ay nagtatagumpay ang kanilang mga kaaway sa kanila. Ngunit huwag nilang pahintulutang suwayin ang kanilang konsensya. Siyang nagdusa para sa kanilang kapakanan, at nagpasan ng kanilang kalungkutan at paghihirap, ay hindi magpapabaya. PnL
Hindi pinabayaang mag-isa na walang kalaban-laban ang mga anak ng Diyos. Napakikilos ng panalangin ang bisig ng Makapangyarihan sa Lahat. Ang panalangin ang “nagpasuko sa mga kaharian tumanggap ng mga pangako, nagpatikom ng mga bibig ng leon, at sumugpo ng kalupitan ng apoy”—malalaman natin kung ano ang kahulugan nito kapag narinig natin ang mga ulat ng mga martir na namatay dahil sa kanilang pananampalataya—“nagpaurong ng mga hukbong dayuhan.” (Hebreo 11:33, 34.) PnL
Kung isinusuko natin ang ating mga buhay sa Kanyang gawain, hindi tayo kailanman mailalagay sa katayuan kung saan hindi naglaan ang Diyos ng mga panustos. Anuman ang katayuan, mayroon tayong Patnubay gumagabay sa ating landas; anuman ang kabagabagan, mayroon tayong tiyak na Tagapayo; anuman ang kalumbayan, pagdadalamhati, o kalungkutan, mayroon tayong maawaing Kaibigan. Kung sa ating kamangmangan ay nagkakamali tayo ng mga hakbang, hindi tayo iniiwan ng Diyos. Ang Kanyang tinig, na malinaw at natatangi, ay naririnig na nagsasabing, “Ako ang Daan, Ang Katotohanan, at ang Buhay.” (Juan 14:6.) “Sapagkat Kanyang inililigtas ang nangangailangan kapag ito’y nananawagan, ang dukha at ang taong walang kadamay.” (Awit 72:12.)— Christ’s Object Lessons , pp. 171-173. PnL