Pauwi Na Sa Langit
Halimbawa Ng Tunay Na Pagpapakabanal, Marso 30
Ang sinumang may ganitong pag-asa sa Kanya ay naglilinis sa kanyang sarili, gaya naman Niyang malinis. Juan 3:3. PnL
Inihahalimbawa sa buhay ni apostol Juan ang tunay na pagpapakabanal. Sa mga taon ng kanyang malapit na pakikisama kay Cristo, madalas siyang nabababalaan at pinagiingat ng Tagapagligtas, at tinatanggap niya ang mga pagsaway na ito. Habang nakikita sa kanya ang karakter Niyang Banal, nakita ni Juan ang kanyang sariling kakulangan, at nagpakaaba dahil sa kapahayagan. Araw-araw, kasalungat sa kanyang sariling marahas na espiritu, minasdan niya ang kaamuan at kahinahunan ni Jesus, at narinig ang Kanyang mga liksyon tungkol sa kapakumbabaan at pagtitiyaga. Araw-araw ay napapalapit ang kanyang puso kay Cristo, hanggang sa mawala sa kanyang paningin ang kanyang sarili dahil sa pag-ibig sa kanyang Panginoon. Ang kapangyarihan at kaamuan, ang kadakilaan at kaamuan, ang lakas at pagtitiyaga, na kanyang nakita sa araw-araw na buhay ng Anak ng Diyos, ay pumuno sa kanyang kaluluwa ng paghanga. Isinuko niya ang kanyang magagalitin at mapaghangad na ugali sa humuhubog na kapangyarihan ni Cristo, at ang pag-ibig ng Diyos gumawa ng pagbabago sa kanyang karakter. . . . PnL
Ang ganitong pagbabago ng karakter na nakita sa buhay ni Juan ay laging bunga ng pakikipag-usap kay Cristo. Maaaring mayroong kapansin-pansing kakulangan sa karakter ng mga tao, ngunit kapag tunay silang naging mga alagad ni Cristo, ang kapangyarihan ng makalangit na biyaya ang magbabago at magpapabanal sa kanila. Sa pagtingin sa kaluwalhatian ng Diyos na gaya sa isang salamin, nababago sila mula sa kaluwalhatian tungo sa kaluwalhatian, hanggang sila ay maging gaya nila na kanilang hinahangaan. PnL
Si Juan ay isang guro ng kabanalan, at sa kanyang mga sulat sa iglesya, naglahad siya ng di-nagkakamaling mga alituntunin para sa asal ng mga Cristiano. “Ang sinumang may ganitong pag-asa sa kanya,” sinulat niya, “ay naglilinis sa kanyang sarili, gaya naman Niyang malinis.” “Ang nagsasabing Siya’y nananatili sa kanya ay nararapat ding lumakad gaya ng Kanyang paglakad.” (1 Juan 3:3; 2:6.) Itinuro niyang ang mga Cristiano ay dapat magkaroon ng malinis na puso at buhay. Hindi sila dapat masiyahan sa isang walang buhay na pag-aangkin [ng pananampalataya]. Kung paanong ang Diyos ay banal sa Kanyang kinaroroonan, ang mga nagkasalang mga tao, sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, ay dapat maiging banal sa kanilang kinalalagyan. PnL
“Ito ang kalooban ng Diyos,” ang sulat ni apostol Pablo, “ang inyong pagpapakabanal.” (1 Tesalonica 4:3). Ang pagpapakabanal ng iglesya ang layunin ng Diyos sa lahat ng Kanyang pakikitungo sa Kanyang bayan. Kanyang pinili sila mula pa sa walang hanggan, upang sila ay maging banal. Ibinigay Niya ang Kanyang Anak para mamatay para sa kanila, upang sila ay maging mga banal sa pamamagitan ng pagsunod sa katotohanan, na inalisan ng lahat ng maliliit na bagay sa sarili. Sila’y hinihilingan Niya ng isang personal na paggawa, isang personal na pagsuko.— The Acts Of The Apostles, pp. 557, 559. PnL