Pauwi Na Sa Langit

63/364

Iyan Ang Pinili Mo, Marso 4

Piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran. Josue 24:15. PnL

Ang lahat na tumangging ibigay ang kanilang mga sarili sa Diyos ay nasa ilalim ng kontrol ng ibang kapangyarihan. Hindi sila sa kanilang mga sarili. Maaari silang magsalita tungkol sa kalayaan, ngunit sila ay nasa kalagitnaan ng kahabag-habag na pagkaalipin. Hindi sila pinahihintulutang makita ang kagandahan ng katotohanan, sapagkat ang kanilang mga isipan ay nasa ilalim ng kontrol ni Satanas. Bagaman pinupuri nila ang kanilang mga sarili na sumusunod sila sa dikta ng sarili nilang pagpasya, sila’y sumusunod sa kalooban ng prinsipe ng kadiliman. Dumating si Jesus upang putulin ang tanikala ng pagkaalipin sa kasalanan ng kaluluwa. “Kaya’t kung kayo’y palayain ng Anak, kayo’y magiging tunay na malaya.” “Ang kautusan ng Espiritu ng buhay na nakay Cristo Jesus” ay “nagpalaya sa atin mula sa kautusan ng kasalanan ng kamatayan.” (Juan 8:36; Roma 8:2.) PnL

Walang pamimilit sa gawain ng pagtubos. Walang kapangyarihan mula sa labas ang ginagamit. Sa ilalim ng impluwensya ng Espiritu ng Diyos, tayo’y hinayaang pumili ng malaya kung sino ang ating paglilingkuran. Sa pagbabagong nagaganap tuwing nagpapasakop ang kaluluwa kay Cristo, nandoon ang pinakamataas na uri ng kalayaan. Ang pagpapalayas sa kasalanan ay gawa mismo ng kaluluwa. Totoo, wala tayong kapangyarihang palayain ang ating mga sarili mula sa kontrol ni Satanas; ngunit kung gugustuhin nating maging malaya mula sa kasalanan, at sa ating malaking pangangailangan ay humingi ng isang kapangyarihan na labas at higit sa ating mga sarili, ang kapangyarihan ng kaluluwa ay pinagkalooban ng isang makalangit na lakas ng Banal na Espiritu, at sinusunod nila ang dikta ng kalooban sa pagganap sa kalooban ng Diyos. PnL

Ang tanging kondisyon na kung saan posible ang ating kalayaan ay ang maging kaisa kay Cristo. “Ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo” (Juan 8:32); at si Cristo ang katotohanan. Magtatagumpay lamang si Satanas sa pamamagitan ng pagpapahina ng isipan, at pagwasak sa kalayaan ng kaluluwa. Ang pagpapasakop sa Diyos ay pagpapanumbalik sa sarili—sa tunay na kaluwalhatian at dignidad ng sangkatauhan. Ang banal na kautusan, kung saan tayo inihatid para magpasakop, ay “kautusan ng kalayaan.” (Santiago 2:12.) PnL

Ipinahayag ng mga Fariseo na sila’y mga anak ni Abraham. Sinabi ni Jesus sa kanila na ang pag-aangkin na ito’y mapatutunayan lamang sa paggawa ng mga gawain ni Abraham. Ang mga tunay na anak ni Abraham ay mamumuhay, na gaya niya, nang isang buhay na masunurin sa Diyos. Hindi nila sisikaping patayin ang Isang nagsasalita ng katotohanan na ibinigay sa Kanya mula sa Diyos. Sa pagkakaroon ng masamang balak laban kay Jesus, hindi ginagawa ng mga guro ang mga gawain ni Abraham. Ang pagkakaroon lamang ng sali’t saling lahi mula kay Abraham ay walang halaga. Kung walang espirituwal na koneksyon sa Kanya, na mahahayag sa pagkakaroon ng kaparehong espiritu, at sa paggawa ng kaparehong gawa, sila ay hindi niya mga anak.— The Desire Of Ages, pp. 466, 467. PnL