Pauwi Na Sa Langit

348/364

Ang Pamamagitan Ng Mga Anghel Ay Nahayag, Disyembre 15

Hindi ba silang lahat ay mga espiritung nasa banal na gawain, na sinugo upang maglingkod sa kapakanan ng mga magmamana ng kaligtasan? Hebreo 1:14. PnL

Pagkatapos ay bubuksan sa harap natin ang takbo ng malaking salungatang nasilang bago pa magsimula ang panahon, at magtatapos lang kapag tumigil na ang oras. Ang kasaysayan ng pagsisimula ng kasalanan; ang nakamamatay na kasinungalingan sa baluktot nitong gawa; ang katotohanang, ni minsan ay hindi lumiko mula sa tuwid nitong daan na humarap at nagtagumpay sa kamalian—ang lahat ay ipakikita. Ang tabing na pumapagitna sa pagitan ng nakikita at di-nakikitang mundo ay aalisin, at ang mga kahanga-hangang bagay ay ibubunyag. PnL

Hindi natin maiintindihan kung ano ang ating pagkakautang sa pangangalaga at pamamagitan ng Kanyang mga anghel malibang makita na natin ang mga pag-iingat ng Diyos sa liwanag ng walang hanggan. Ang mga makalangit na nilalang ay naging aktibong bahagi sa buhay ng mga tao. Sila’y nagpakitang may kasuotang nagliliwanag gaya ng kidlat; sila’y dumating bilang mga taong may kasuotan ng manlalakbay. Tinanggap nila ang kagandahang-loob ng mga tahanan; nagsilbi silang mga gabay sa mga ginabing manlalakbay. Hinadlangan nila ang mga mapaminsalang layunin at inilihis ang atake ng maninira. PnL

Hindi man nalalaman ng mga pinuno ng mundong ito, ngunit madalas na sa kanilang konseho, mga anghel ang naging tagapagsalita. Ang mga mata ng tao ay tumingin sa kanila. Ang mga tainga ng tao ay nakinig sa kanilang mga apela. Sa bulwagan ng konseho at hukuman, ang mga makalangit na anghel ay nakiusap para sa mga inuusig at pinahihirapan. Natalo nila ang masasamang balak at napigilan ang kasamaang magdudulot sana ng kamalian at pagdurusa sa mga anak ng Diyos. Sa mga mag-aaral sa makalangit na paaralan, ang lahat ng ito’y mabubuksan. PnL

Maiintindihan ng bawat tinubos ang ministeryo ng mga anghel sa kanilang buhay. Ang anghel na kanyang tagapag-alaga mula sa kanyang pagkabata; ang anghel na nagbantay sa kanyang mga hakbang, at tumakip sa kanyang ulo sa panahon ng peligro; ang anghel na kasama niya sa libis ng lilim ng kamatayan, na minarkahan ang kanyang huling hantungan, ang unang bumabati sa kanya sa umaga ng muling pagkabuhay—ano na lamang kung makakausap siya, at malaman ang kasaysayan ng banal na pamamagitan sa buhay ng bawat indibidwal, at ang pagtulong ng langit sa bawat gawain ng sangkatauhan! PnL

Ang lahat ng pagkalito sa bawat karanasan sa buhay ay magiging malinaw. Kung saan sa atin ay mga kalituhan at kabiguan, mga nasirang layunin at nahintong mga plano lamang, mahahayag ang isang dakila, nananaig, at nagtatagumpay na layunin, isang banal na pagkakatugma.— Education, pp. 304, 305. PnL