Pauwi Na Sa Langit
Isang Pag-Aaral Na Nagpapatuloy Sa Walang Hanggan, Disyembre 14
At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Diyos na tunay, at si Jesu-Cristo na iyong sinugo. Juan 17:3. PnL
Ang panukala ng pagtubos ay hindi ganap na mauunawaan, kahit na sa panahong makakita ang mga tinubos gaya ng pagkakita sa kanila at makilala gaya ng pagkakakilala sa kanila ngunit sa buong walang hanggan, patuloy na malalaahd ang bago ng katotohanan sa nagtataka at natutuwang pag-iisip. Bagaman mawawakasan ang mga kapighatian at kahirapan at mga tukso sa lupa, at maaalis ang sanhi ng mga ito, magkakaroon pa rin ang bayan ng Diyos ng isang tiyak at matalinong na pagkaunawa sa naging kabayaran ng kanilang kaligtasan. PnL
Ang krus ni Cristo ang magiging agham at awit ng mga natubos sa buong walanghanggan. Kay Cristong niluwalhati ay makikita nila si Cristong napako. Kailanman ay hindi malilimutan na Siyang ang kapangyarihan ay lumikha at umalalay sa di-mabilang na mga daigdig sa malawakang kalawakan, Siyang pinakainiibig ng Diyos, na Hari ng sangkalangitan, Siyang kinalulugdang sambahin ng mga kerubin at mga serapin—ay nagpakababa upang iangat ang nagkasalang sangkatauhan; na Kanyang pinasan ang bigat at hiya ng kasalanan, at ang pagkukubli ng mukha ng Kanyang Ama, hanggang sa dinurog ng mga pighati ng isang sanlibutang makasalanan ang Kanyang puso, at kitilin nito ang Kanyang buhay sa krus ng Kalbaryo. Na ang Maylalang ng lahat ng daigdig, ang Tagapagpasya ng lahat ng hantungan, ay magsasantabi ng Kanyang kaluwalhatian at magpapakababa dahil sa pag-ibig Niya sa tao, ay siyang lagi nang gigising ng paghanga at pagsamba ng santinakpan. Sa pagtingin ng bansang nangaligtas sa kanilang Manunubos at pagkakita nila sa walang hanggang kaluwalhatian ng Amang nagliliwanag sa Kanyang mukha; sa pagkakita nila sa Kanyang trono, mula sa walang pasimula hanggang sa walang hanggan, at pagkaalam nilang ang Kanyang kaharian ay hindi magkakaroon ng wakas, bubulalas ang kanilang tinig sa kawili-wiling awitan: “Karapatdapat, karapat-dapat, ang korderong pinatay, at tinubos tayo sa Diyos sa pamamagitan ng Kanyang napakamahalagang dugo” Ipinaliliwanag ng hiwaga ng krus ang lahat ng iba pang hiwaga. Sa liwanag na nagmumula sa Kalbaryo, ang mga likas ng Diyos na pumuno sa atin ng takot at paggalang ay lilitaw na maganda at kahali-halina. Ang kahabagan, kagandahangloob, at pag-ibig ng magulang ay makikitang nalalagum sa kabanalan, katarungan, at kapangyarihan. Samantalang minamasdan natin ang karangalan ng Kanyang luklukang matayog at mataas, makikita natin ang Kanyang likas sa mga mabiyayang pagkakahayag, at mauunawaan natin, gaya ng kailanman ay hindi pa natin nagagawa, ang kahalagahan ng kaibig-ibig na tawag na “Ama Namin” PnL
Makikitang Siyang walang hanggan sa karunungan ay walang ibang panukalang mabubuo sa ikaliligtas natin kundi ang ialay ang Kanyang Anak. . . . Ang bunga ng pakikipagpunyagi ng Tagapagligtas sa mga kapangyarihan ng kadiliman ay kaligayahan sa mga tinubos, na umaapaw sa pagluwalhati sa Diyos sa buong walang hanggan.— The Great Controversy , pp. 651, 652. PnL