Pauwi Na Sa Langit

299/364

Mula Sa Makalupa Tungo Sa Makalangit Na Templo, Oktubre 27

Ang tabing ng templo ay napunit sa dalawa, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Mateo 27:51. PnL

Sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli, Siya ang naging Ministro sa “tunay na tabernakulo na itinayo ng Panginoon, hindi ng tao.” (Hebreo 8:2.) Tao ang nagtayo ng tabernakulo ng mga Judio; mga tao rin ang nagtayo ng templo ng mga Judio; subalit ang santuwaryong nasa itaas, na ang nasa lupa ay isang larawan, ay hindi itinayo ng arkitekto. “Narito ang lalaking ang pangala’y Sanga; . . . at Siya ang magtatayo ng templo ng Panginoon; at Siya’y magtataglay ng karangalan, at Siya’y uupo at mamumuno sa Kanyang trono; at Siya’y magiging pari sa Kanyang trono.” (Zacarias 6:12, 13.) PnL

Lumipas na ang mga paghahandog na ang itinuturo ay si Cristo; ngunit napabaling naman ang mga mata ng mga tao sa tunay na haing para sa mga kasalanan ng sanlibutan. Ang palatuntunang ukol sa mga saserdote sa lupa ay natigil na; subalit tayo’y tumitingin kay Jesus, na ministro ng bagong tipan, at “dugong pangwisik, na nagsasalita ng lalong mabuti kaysa dugo ni Abel.” “Na hindi pa naihahayag ang pagpasok sa dakong banal samantalang nakatayo pa ang unang tabernakulo: . . . Ngunit pagdating ni Cristo na Dakilang Saserdote ng mabubuting bagay na darating, sa pamamagitan ng lalong malaki at lalong sakdal na tabernakulo, na hindi gawa ng mga kamay, . . . sa pamamagitan ng Kanyang sariling dugo ay pumasok na minsan magpakailanman sa dakong walang-hanggang katubusan.” (Hebreo 12:24; 9:8-12.) PnL

“Dahil dito naman Siya’y nakapagliligtas na lubos sa mga nagsisilapit sa Diyos sa pamamagitan Niya, palibhasa’y laging nabubuhay Siya upang mamagitan sa kanila.” (Hebreo 7:25.) Bagaman ang paglilingkod ay inalis sa templo sa lupa at inilipat sa templo sa langit; bagaman ang santuwaryo at ang Dakilang Saserdote natin ay hindi makikita ng mata ng tao, gayunman ay wala ring mawawala sa mga alagad. Hindi masisira ang kanilang pakikipag-unawaan, at ni hindi mababawasan ang kanilang kapangyarihan nang dahil sa hindi nila kasama ang Tagapagligtas. Habang si Jesus ay naglilingkod sa santuwaryo sa itaas, ay Siya pa rin ang nangangasiwa sa Kanyang iglesya sa lupa sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu. Siya’y nahiwalay sa mata ng tao, ngunit ang pangako Niya nang Siya’y umalis ay natupad, “Narito, Ako’y sumasainyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanlibutan.” (Mateo 28:20.) Bagaman mga abang ministro ang pinagkakatiwalaan Niya ng Kanyang kapangyarihan, ang Kanya namang nagpapalakas na pakikiharap ay nasa Kanya pa ring iglesya. PnL

“Yaman ngang tayo’y mayroong isang lubhang Dakilang Saserdote, . . . si Jesus, na Anak ng Diyos, ay ingatan nating matibay ang ating pagkakilala. . . . Magsilapit nga tayong may pagkakatiwala sa luklukan ng biyaya, upang tayo’y magsipagtamo ng awa, at makasusumpong ng biyaya upang tumulong sa atin sa panahon ng pangangailangan.” (Hebreo 4:14-16.)— The Desire Of Ages , pp. 165, 166. PnL