Pauwi Na Sa Langit
Ang Kasiyahan Ni Jesus Sa Kanyang Bayan, Oktubre 26
Ang sakdal sa kanilang lakad ay Kanyang kasiyahan. Kawikaan 11:20. PnL
Siyang tumatahan sa santuwaryo sa langit ay humahatol nang matuwid. Higit Siyang nalulugod sa Kanyang bayan, na nakikipagpunyagi sa tuksong nasa sanlibutan, kaysa hukbo ng mga anghel na nakapalibot sa Kanyang luklukan. PnL
Ang buong sangkalangitan ay nagpapamalas ng napakalaking pagmamalasakit sa napakaliit na sanlibutang ito; sapagkat nagbayad si Cristo ng walang hanggang halaga para sa mga kaluluwa ng nagsisitahan dito. Itinali ng Manunubos ng sanlibutan ang lupa sa langit sa pamamagitan ng mga panali ng katalinuhan; sapagkat ang mga tinubos ng Panginoon ay naririto. Patuloy pa ring dinadalaw ng mga taga-langit ang lupa, gaya noong mga kaarawan na sila’y lumakad at nakipag-usap kay Abraham at kay Moises. Sa gitna ng pagkaabala sa gawain ng ating malalaking siyudad, sa gitna ng mga karamihang nagsisiksikan sa mga lansangan at pumupuno sa mga pamilihan ng pangangalakal, na roon mula sa umaga hanggang sa gabi ay kumikilos ang mga tao na para bagang ang hanapbuhay at ang laro o libangan at ang kalayawan ay siya nang lahat sa buhay, na doon ay lubhang iilan ang nagbubulay-bulay sa mga di-nakikitang katotohanan,—ang langit ay nananatili pa ring may kanyang mga tagapagmasid at may kanyang mga banal. May mga di-nakikitang anghel na nagbabantay sa bawat salita at gawa ng mga taong kinapal. Sa bawat kapulungang ukol sa hanapbuhay o kasayahan, sa bawat pagtitipong ukol sa pagsamba, ay may higit na maraming nagsisipakinig kaysa nakikita ng mata ng tao. Kung magkaminsan ay hinahawi ng mga anghel sa langit ang tabing na tumatakip sa di-namamalas na sanlibutan, upang ang ating mga pag-iisip ay maialis sa kaabalahan at kaguluhan ng buhay, at upang magsaalang-alang na may mga di-nakikitang saksi sa lahat ng ating ginagawa at sinasalita. PnL
Kailangan nating higit na maunawaan kaysa ginagawa natin ang misyon o layunin ng mga dumadalaw na anghel. Makabubuti na isaalang-alang na sa lahat nating gawain ay nasa sa atin ang pakikipagtulungan at pag-iingat ng mga anghel sa langit. Mga di-nakikitang hukbo ng liwanag at kapangyarihan ang nangangalaga sa mga abang sumasampalataya at umaangkin sa mga pangako ng Diyos. Ang kerubin at ang serafin at ang mga anghel na humihigit sa kalakasan,—sampung libong tigsasampung libo at libu-libo,—ay nakatayo sa Kanyang kanan, “lahat ay mga espiritung nasa banal na gawain, na sinugo upang maglingkod sa kapakanan ng mga magmamana ng kaligtasan.” (Hebreo 1:14.) PnL
Sa pamamagitan ng mga sugong anghel na ito ay isang tapat na tala ang naiingatan tungkol sa mga salita at mga gawa ng mga anak ng mga tao. Bawat gawang kalupitan o kawalang-katarungan sa bayan ng Diyos, lahat ng kanilang tiniis dahil sa kapangyarihan ng mga mapaggawa ng masama, ay itinatala sa langit.— Christ’s Object Lessons, pp. 176, 177. PnL